Wednesday, March 17, 2010

Babalik-Balikan at Hahanap-hanapin


Kahit anong gawin ko, sa huli,
ikaw pa rin pala ang babalik-balikan at hahanap-hanapin ko.
Parang lagi na lang may kulang sa akin ngayon.
Masasabi ko na ikaw nga iyon, wala nang iba.
Oo, kaya ko nang tiisin ang mga araw na hindi kita nakakausap o nakikita.
Pero sa loob-loob ko, nagpapanggap lang talaga ako.
Nagpapanggap na walang pakialam,
kunwari hindi apektado sa mga nangyayari.
Minsan hindi ko na napapansin na nagpapanggap na lang nga ako.
Sanayan lang naman kasi iyan.
Pero may mga araw na bigla ka na lang sasagi sa isip ko,
at malulungkot na naman ako.
Ayoko ang mga araw na iyon.
Tulad ngayong araw na ito.
Haaaaaaaaaay.

Monday, March 8, 2010

Ayokong Magpaalam

O kay bilis nga naman ng takbo ng panahon.

Parang kelan lang eh wala akong pakialam sa mga bagay-bagay..

Ngayon, heto na ako, naghahanda nang sambitin ang pinakamasakit na salita sa lahat..

"PAALAM"

Kung titignan mo'y para bang napakahaba ng isang taon. Napakaraming maaaring mangyari sa panahong iyon, maganda man o pangit. Kaya lang, madalas ay hindi mo talaga mapapansin ang pagdaloy ng panahon. Pakiramdam mo eh napakarami pang oras kaya hindi mo maiwasan na sayangin ang mga oras na iyon sa mga walang kwentang bagay.

May mga tao kang hindi na napapahalagahan ng katulad ng dati, hindi mo mapagtutuunan ng pansin masyado dahil sa pagiging abala mo sa ibang mga bagay, may mga bagay o pangyayari na hindi mo inaasahang mangyayari at makakaapekto sa mga bagay-bagay.

Maraming panahon ang nasayang, at patuloy pa ring nasasayang.

Kapag malapit na ang pinakahihintay na "oras" o pangyayaring iyon, saka mo lang mapapansin ang lahat ng oras na sinayang mo.

Nasa huli nga naman talaga ang pagsisisi.

Bilang na bilang na ang mga araw, oras, minuto, bilang na bawat segundo. Bilang na ang mga huling sandali na magkakasama tayo.

Pero anong ginagawa ko? WALA. Wala dahil hindi ko alam ang aking gagawin, wala akong magawa dahil hindi ako handa.

Hindi pa ako handa magpaalam.

Hindi pa ako handa kaya hindi ko muna sasambitin ang katagang iyon.