Thursday, June 3, 2010

Bitiw

Dati, normal lang tayong magkakilala. Bihira magkita, bihira mag-usap.
Mag-uusap kung may kailangan ang isa sa isa, o kung may sasabihin na mahalaga.
Ganoon lang tayo noon, parang wala lang. Trabaho lang ang nagdurugtong sating dalawa.
Hindi magkaibigan, hindi malapit sa isa't isa, simpleng magkakilala lamang.
Subalit sinong mag-aakala na sa loob lamang ng isang araw ay magbabago ang tingin ko sa iyo?

Isang araw lang, isang gawi, isang tingin. Iisa lamang.
Nakabitiw ako ng tuluyan sa mahigpit kong pagkakakapit sa isang bato sa gilid ng malalim na bangin.
Napakalalim ng bangin, at patuloy akong nahuhulog. Palalim ng palalim.

Napakabilis ng mga pangyayari.
Napakabilis din ng aking pagbitiw.
Napakabilis ng aking pagkahulog.

Ngayong ako'y tuluyan nang nahulog sa bangin na iniiwasan ko, hindi ko na naman alam ang aking gagawin.
Parang kailan lamang nang huli kong maramdaman ang pakiramdam na ito.
Ngunit sa ngayon, ang masasabi ko lamang ay:

Masaya ako sa nangyaring ito.
Kahit di pa tayo ganoon kalapit sa isa't isa, mayroon tayong isang buong taon para magawa iyon.
Kaya lamang, isang taon na lamang tayo magkakasama, sayang.
Pero wala akong pakialam ngayon sa oras at panahon.
Basta, masaya lang talaga ako na naging parte ka na ng buhay ko.
Makatutulong ka sa akin upang tuluyan ko nang malimutan ang nakaraan.