Friday, March 20, 2009

Labis na Pag-iisip

Masyado ko na atang ginagamit ang isipan ko.

Nararamdaman ko na yung pagod niya. na hindi na niya kaya. Nararamdaman ko ang unti-unting pagsuko ng aking isipan sa kaiisip.. Hinto na muna.. Pahinga muna..

Nitong mga nagdaang araw.. linggo.. o mas akmang sabihin kong.. nitong mga nakaraang buwan, naging sobra-sobra ang aking pag-iisip.. hindi lamang tungkol sa aking pag-aaral kundi pati rin sa iba't ibang mga bagay na sa tingin ko ay hindi ko naman dapat pinag-iisipan ng sobra-sobra.

Ewan ko ba. Lagi ko na lang pinag-iisipan ng sobra-sobra ang mga bagay-bagay. Kahit na kung tutuusin, wala naman talagang kakwenta-kwenta ang ibang pinag-iisipan ko (para sa akin).

Ang nakakaasar pa, sa tuwing nag-iisip ako ng sobra, nalulungkot lang ako.

Bakit ba kasi kailangang ganon? Tapos ganon pa at ganon at ganito. Bakit di na lang ganito? Eh di naging ganito at ganon. Tapos magiging ganon ang ganon. Wala nang ganon. Ganon na lang. At ganon. Eh di MASAYA SANA LAHAT.

LABOOOOOOO!

Hay. Wala lang. Sobrang dami lang talagang bumabagabag sa akin ngayon. Sa sobrang dami, naghahalo-halo na sila sa utak ko. Hindi ko na alam kung ano talagang iniisip ko. Tapos parang araw-araw may bagong dadagdag, may bago nanamang gugulo sa isipan ko. Wala nang tigil, wala nang katapusan ang panggugulo ng kung ano-anong walang kwentang mga bagay (yung iba) sa isip ko.

NAKAPAPAGOD. SOBRA.

Ayoko na muna mag-isip. Napapagod na ako. Araw-araw na lang, paggising ko sa umaga, bubulabugin ako ng kung ano-anong mga gunita.. ng sari-saring mga alaala at bagay-bagay.. ng kung ano-anong pwede kong pag-isipan. Kapag wala akong ginagawa mapapaisip nanaman ako bigla.. Ano ba yun? Bakit ganon? Bakit nga ba ganon? Bakit di na lang ganon? Madalas kahit na napakarami kong pinagkakaabalahan, bigla na lang may papasok na kung ano-ano sa isip ko, at mapapaisip nanaman ako. Matatahimik na lang bigla, magninilay-nilay. At bago matulog, kung ano-ano nanamang maiisip ko. Kaya minsan pati sa panaginip ko, binubulabog na rin ako ng mga iniisip ko. Sa araw-araw, oras-oras, minu-minuto, segu-segundo na ginawa ng diyos, nag-iisip lang ako lagi. HA-HA-HA-HA (Pilit na tawa).

Kailangan ko talagang pigilan ang aking sarili sa kaiisip ngayon ng ibang mga bagay. Pagtutuunan ko muna ng pansin yung ibang mga bagay na kailangan ko talagang pag-isipan at seryosohin (kasama ang math dun).

TURO, TIGILAN MO MUNA ANG LABIS NA PAG-IISIP..

Tigilan muna ang labis na pag-iisip. Tigilan ang panghuhula sa mga maaaring mangyari sa hinaharap. Tigilan ang pangunguna sa kapalaran.

WALA KANG MAPAPALA. Malulungkot ka lang.

Kakainin lamang ng labis na kalungkutan ang iyong sarili at pag-iisip.. hanggang sa ang kalungkutang iyon na ang kumokontrol sa iyo..

Kailangan nating matutunang tanggapin ang lahat ng mga nangyayari sa atin at sumunod na lamang sa agos ng buhay.

Friday, March 13, 2009

Sapilitang Paggawa at Panandaliang Kasiyahan

Isang linggong kalbaryo. Isang linggong paghihirap. Isang linggo na parehong gusto at ayaw ko nang maulit pa.

Nakapapagod, sobra. Ang dami kong ginawa ngayong linggong ito. Ang masakit dun, lahat ng ginawa ko ay di ko talaga gusto, o labag sa kalooban ko. Sabi nga ng kaibigan ko, forced labor/sapilitang paggawa.

Ayoko nang isaisahin pa yung mga ginawa ko nung nagdaang linggo. Tapos naman na yun, ayoko nang balikan. Kung may babalikan man akong pangyayari, yun ay ang dalawang pangyayari nung linggong iyon na talaga namang karapatdapat na manatili sa aking alaala.

(Isa sa mga pangyayaring iyon ay nagpatunay na minsan, malapit rin pala ang panaginip sa tunay na buhay.)

Sa dalawang pangyayaring iyon, nakaramdam ako ng panandaliang kasiyahan. Oo, panandalian lamang. Sapagkat pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nabalutan nanaman ako ng napakaraming tanong hanggang sa ang lahat ng tanong na iyon ay naging kalungkutan na.

STOP. TIGIL. HINTO.

Tama na muna ito. Marami pa akong ibang bagay na kailangang pag-aksayahan ng oras. Sapilitang paggawa nanaman. Kailangan ko muli ng mapagkukunan ng panandaliang kasiyahan, panandaliang kasiyahan na hindi magbibigay sa akin ng napakaraming tanong at kalungkutan sa huli.

Saturday, March 7, 2009

Panaginip

Bakit kailangan mong guluhin ang isip ko, eh hindi ko naman ginugulo yung sa'yo?

Random. Wala lang. Umpairrrrrrr kasi. :))

Serious mode na.

Ang gulo-gulo nanaman ng isip ko. Grabe. Parang kahapon lang eh ang saya-saya ko. Kasama ko yung iba kong mga kaibigan nung hayskul. Wala akong iniisip nun na iba kundi yung mga nangyayari lang nung mga oras na yun.

Pero ngayon, heto nanaman ako. Magulo nanaman ang pag-iisip. Nalulungkot nanaman sa di malamang dahilan. Nakakainis na rin. Ewan ko ba kasi. :|

AAAAHH. Alam ko na kung bakit magulo nanaman ang isip ko ngayon. May napanaginipan kasi ako kagabi. Napakagandang panaginip. Isang panaginip na talagang hihilingin mo na sana'y mangyari sa tunay na buhay. Lubos ang kaligayahan ko run sa panaginip ko. Pero paggising ko, nalungkot ako bigla.

"Ay, panaginip lang pala."

Yung panaginip ko kagabi, napanaginipan ko na rin yun noon. Mga isa o dalawang buwan na ang nakalipas.

*hinahanap ang blog post tungkol sa panaginip na iyon, babasahin ulit upang sariwain yung mga pangyayari dun sa panaginip*

Halos pareho talaga ang mga pangyayari dun sa panaginip ko noon at sa napanaginipan ko kagabi, may nadagdag lang na tauhan at iba pang pangyayari. Pero halos pareho talaga. Basta may isang scene dun na sobrang gustong-gusto ko talaga. Haaaaaay. Parehong emosyon, parehong ngiti, parehong pakiramdam ang nangibabaw.

Pareho rin ang naging reaksyon ko paggising ko at nang matauhan ako na panaginip lang pala iyon. Masaya, malungkot. Pareho.

Unahin natin kung bakit nakalulungkot.

Malungkot kasi sa panaginip kong iyon, ang saya-saya ko. At syempre kung masaya ka, hindi mo gugustuhing matapos yung kaligayahan mo diba kasi syempre malulungkot ka kung ganun.

Bukod pa roon, malungkot talaga dahil buong akala mo eh totoo lahat nung mga nangyari sa panaginip mo. Akala mo nangyayari na talaga yun, akala mo yun na! Akala, akala, akala. Paggising mo magugulat ka na lang dahil panaginip lang talaga yun. Hindi totoo, produkto lang ng imahinasyon at isipan mo.

Isa pang dahilan kung bakit malungkot? Kasi alam mong hindi o malabong mangyari sa tunay na buhay ang panaginip mong iyon. Na hanggang panaginip lang talaga lahat ng iyon, huwag nang asahan na mangyayari yun sa tunay na buhay. Nakalulungkot talaga.

Pero bakit masaya?

Masaya dahil kahit sa panaganip lang, nangyari ang isang pangyayaring gusto mong mangyari sa tunay na buhay. Kahit na panaginip lang iyon, naramdaman mo pa rin ang kasiyahan, ang maganda/kakaibang pakiramdam na dulot ng pangyayaring iyon. Parang tunay talaga.

Bakit pa nga ba nakapagbibigay ng saya yun? Uhm, uhm, uhm. Wala na ata akong maisip. Nakakalungkot namaaaaaaan.

Pumasok sa isip ko na sana, hindi na lang ako nagising sa pagkakatulog. Ayokong matapos yung panaginip ko. Ayokong matapos yung kasiyahan ko. Ayokong matapos yung mga nangyari. Ayokong buksan ang aking mata sa realidad, ang malungkot na realidad.

Pero, hindi nga naman tama yung.. mabuhay ka na lang sa panaginip.. Kasi, kahit naman anong mangyari haharapin at haharapin mo pa rin ang realidad. Wala kang magagawa kasi nga yun yung realidad, dun ka nabubuhay, sa mundo ng realidad. Ang panaginip, saglit lang, hindi totoo, pero, malapit sa realidad.

Sana, sobrang sobrang sobrang lapit lang ng panaginip sa realidad. Kahit na hindi na maging "isa" ang panaginip at realidad, masaya na ako sa "sobrang lapit".

Monday, March 2, 2009

Mga Walang Kwentang Araw

Isa nanamang walang kwentang araw ang lumipas, isang araw na nasayang lamang, isang araw na punong-puno ng panghihinayang, isang araw na hinihiling kong sana ay di na lamang dumating.

May mga araw talaga na naiisip ko na sana ay hindi na lang dumating o dumaan. Bakit? Dahil parang kahit na tanggalin ko naman ang mga araw na iyon, wala namang maidudulot na pagbabago iyon sa aking buhay. Sayang lang, sayang lang ang mga araw na iyon. Kung pwede lang sana irecycle ang mga walang kwentang araw na nagdaan sa buhay ko upang mapakinabangan kong muli, gagawin ko. Kaso hindi, tapos na ang mga araw na iyon, hindi mo na maibabalik pa, at mananatili na lamang ang lahat ng iyon na isang walang kwentang alaala.

Pero naisip ko, paano nga kaya kung pwede nating irecycle ang mga araw sa buhay natin na hindi natin gusto? Paano kung pwede natin gamitin muli ang mga iyon at palitan ang mga alaalang nakalapat dito? Magdudulot kaya ng kaligayahan iyon sa atin?

Oo at hindi ang sagot ko.

Bakit oo? Oo dahil kung pwede nating irecycle ang mga walang kwentang araw, edi lahat ng mga araw na lilipas sa buhay natin ay magiging maganda. Hindi lamang mga walang kwentang araw ang pwedeng palitan kundi pati ang mga masasamang araw ng iyong buhay. Ang tanging mga araw na hindi mapapalitan ay ang mga magagandang araw lamang, mga araw na kay sarap ulit-ulitin ang mga pangyayari, mga araw na maiisip mo na sana hindi na lang natapos o lumipas.. Kung lahat ng matitirang araw sa buhay mo ay mga araw na gusto mo lamang o magagandang araw, o anong saya ang maibibigay nun sayo?

Ngayon, bakit naman hindi? Hindi dahil tulad nga ng sabi ng iba, ang lahat ng pangyayari sa buhay ng isang tao ay may dahilan. Kahit na gaano pa kawalang-kwenta ang mga pangyayaring iyon, may tinatago ring halaga iyon; halaga na hindi mo agad makikita, hindi mo agad mapapansin. Darating na lang bigla ang isang araw na bigla ka na lang magpapasalamat na dumating ang araw na iyon, ang araw na itinuring mo lamang na isang walang kwentang araw noon, isang araw na akala mo ay walang halaga ngunit yun pala ay siyang magiging susi sa mga susunod pang mga pangyayari sa mga darating pang mga araw sa buhay mo. Ang mga walang kwentang araw minsan ang siyang nagbibigay daan upang dumating ang mga araw na pinakahihintay ng isang tao. Hindi dapat binabaliwala ang mga walang kwentang araw na dumadaan dahil hindi natin alam kung ang walang kwentang araw na iyon ay isa pa lang senyales o hudyat ng isang pangyayaring hindi mo akalaing mangyayari pala. Kung irerecycle natin ang isang araw na inaakala nating walang kwenta, kasama nitong mawawala ang mga kasunod nitong mga pangyayari na hindi pa natin alam kung ikasisiya ba natin o ikalulungkot.

Ano ang mas mabigat ngayon? Mas masaya ba kung narerecycle natin ang mga araw na nagdaan sa buhay natin o hindi? Malinaw na ang sagot. Mas mabuting hindi. Hayaan na lamang nating magdaan ang mga itinuturing nating walang kwentang araw ngayon at manatili pansamantala sa ating mga alaala. Balang araw, malalaman natin kung ang mga walang kwentang araw na iyon pala ay mga araw na magbibigay sa atin ng labis na kasiyahan o kaya naman ay kalungkutan. Kung alam na natin ang dahilan kung bakit nangyari ang mga pangyayari noong araw na iyon, tsaka na lamang natin burahin ang mga iyon sa ating alaala (kung pangit) o kaya naman ay itago ito habambuhay (kung maganda). Hawak naman natin ang ating mga pag-iisip; magagawa nating makalimot kung gusto natin.