Thursday, December 31, 2009

Paalam, 2009

Isang taon na naman ang lumipas. O kay bilis talaga ng takbo ng oras. Napakarami na namang nangyari, masasaya man o malulungkot, lahat iyon ay tapos na. Kailangan nang iwan iyon sa nakaraan, sa lumipas, at magpatuloy sa hinaharap.

Aaminin ko, hindi talaga naging maganda ang taong ito para sa akin. Sunod-sunod na nagsisulputan na parang kabuti ang mga problema ko sa buhay. Hindi pa natatapos ang isa ay mayroon na namang isa, kung hindi dalawa, ang mabubuo. Napakaraming rebelasyon ang muling nabuhay at gumulo sa akin. Pagsabay-sabayin mo na silang lahat.

Ang taong ito ay masasabi kong pinaka-emo ko nang taon.

Ano bang magagawa ko? Hindi ko naman kayang ikulong na lang lahat ng nararamdaman ko sa aking sarili at unti-unting mabaliw na lamang sa kaiisip. Kailangan ko ng mapaglalabasan ng sama ng loob, pero madalas ay hindi ko iyon magawa sapagkat ayoko nang maglabas ng sama ng loob sa mga tao dahil ayoko namang nadadamay sila sa aking kalungkutan. Ayokong pati sila ay nabibigatan din sa mga iniisip ko. Ayoko nang mandamay ng iba. Ako nang bahala sa lahat, sa aking sarili, sa aking buhay. Pilit kong kakayanin ang lahat ng ito.

Sa pagpasok ng 2010, hindi ko maiwasang malungkot ng todo. Gustuhin ko mang iwanan lahat ng iniisip ko noong 2009, wala akong magawa dahil parang nakadikit na ito sa akin ng parang linta. Kasabay ng pagpasok ng bagong taon ay ang patuloy kong pagninilay sa lahat ng nangyari, nangyayari at mangyayari sa aking buhay.

Nais ko nang magpaalam sa taong 2009 at sa lahat ng hindi magandang alaalang iniwan sa akin ng taong ito, pero tila ayaw niyang magpaalam sa akin at patuloy niya akong guguluhin.

Panahon lang ang kakailanganin ko, marahil. Meron muli akong isang buong bagong taon. Bagong taon para ayusin, baguhin at ilagay sa tama ang lahat.

Patuloy akong umaasa.

Wednesday, December 23, 2009

Ilang Araw na lang, Pasko na.

Ilang araw na lang pasko na.. pero bakit ngayon ay hindi ko pa rin maramdaman ang pagdating ng pasko?

Parang noon, madalas ay hindi ako makapaghintay sa pagsapit ng pasko, subalit ngayon ay parang wala lang. Ngayon lang ako nagkaganito.

Bukas ay gabi na ng noche buena, pero hindi ko pa rin talaga maramdaman na pasko na. Minsan na nga lang kami magpasko ng buo ang pamilya eh, na nariyan ang aking ama. Bilang sa isang kamay ang mga pagkakataong iyon.

Marahil, dala na ito ng.. napakaraming bagay na iniisip ko. Di na ako nagkaroon ng pagkakataong mapansin man lang ang panahon ng kapaskuhan.

Paskong-pasko, tapos ganito lahat ng nangyayari sa buhay ko.

*Malalim na buntong-hininga*

Marahil ay ito na ang pinakamalungkot na pasko ko sa labing-walong taon na itinagal ko sa mundong ito. Pero susubukan ko pa rin magpakasaya, kahit sapilitan lamang.

Monday, December 21, 2009

Paano kung...

Fail na lahat ng aspects ng buhay mo?

Kunwari sa...

Pamilya: Mayroon kayong matagal nang problemang hindi matapos-tapos. Ang pamilya mo vs. ang pamilya ng uncle mo sa side ng iyong ama. Walang katapusang di pagkakaintindihan, pataasan ng pride, pagiging insecured ng isa sa isa, at kung ano-ano pa. Dawit riyan ang atensiyon ng lolo't lola na hindi na malaman ang gagawin sa dalawa. Pati na rin ang isa pang anak nilang umiiwas na lang sa gulo dahil walang gustong kampihan. Pagdating sa side ng iyong ina, nariyan ang kaisa-isang kapatid niya na maituturing mo nang isang walang kwentang tao. Iniwan niya ang kaniyang asawa at apat na anak, at saka nag-asawa ng iba, di na muling nagpakita't nagparamdam. Walang magawa ang iyong ina kundi mabagabag sa kalagayan ng naiwang pamilya ng kaniyang kapatid, kaya't siya na lamang ang sumustento sa pangangailangan ng pamilya nito. At dahil doon, iyon ang madalas na dahilan ng walang tigil na pag-aaway ng magulang mo, pagkagalit ng ina ng ama mo, at pag-aaway din nilang mag-ina. Sa bagay, sino ba namang hindi maiinis sa gawaing pagsustento sa ibang pamilya, lalo na't hindi mo naman talaga responsibilidad yun. Pero sa kabilang banda, matitiis ba ng konsensiya mo ang hindi tumulong sa kadugo mo? Magagalit ang isa, magagalit ang isa pa, magagalit din ang isa pa at ang isa. Blah blah blah. Heto pa si ama na may kakaibang pag-uugali. Mainit ang ulo lagi, simpleng bagay ay palalakihin niya. Simpleng pagkakamali ay big deal na sa kaniya. Hindi makatiis ang mga anak, lalong hindi rin makatiis ang asawa. "Maghihiwalay na lang kami." Magfi-file na ng divorce ang pareho dahil sa mga problema nila sa isa't isa, subalit nagpipigil ang isa dahil natatakot siya sa magiging epekto nito sa mga anak nila. Ang isa sa dalawang anak ay nagrerebelde na lamang habang ang isa ay tuluyan nang naging manhid at nawalan na ng pakialam.

Karera: Bago magkolehiyo ay buong-buo ang pag-iisip mo sa kursong kukunin mo. Tuluyan mo nang napakawalan ang pangarap mo simula kabataan mo. Subalit, habang ika'y nag-aaral, babalik at babalik sa iyong pag-iisip na sana ay itinuloy mo na lang ang nauna mong plano, ang tunay na pangarap mo. Ngayon hindi mo gusto lahat ng ginagawa mo, lahat ng inaaral mo. Kinamumuhian mo ang mga ginagawa mo. Gusto mo mang lumipat, wala ka nang magagawa dahil hindi ka papayagan at hindi mo rin kakayanin lumipat, bukod pa roon ay huli na rin ang lahat. Magtitiyaga ka na lang na tapusin iyon, ngunit iyon ay kung hindi ka matatanggal sa kurso mo at malilipat sa isang walang kwentang kurso. Dahil sa ibang problema mo sa buhay, apektado na ang pag-aaral mo. Nakakawalang gana, ayaw mo na. Sasabihin mo na lang na, "bahala na nga" dahil sa simula pa lang ay suko ka na. Simpleng mga subjects lang eh ang baba mo pa. Kung anong major mo run ka pa bumabagsak. Feeling mo ikaw na ang pinakabobong tao sa eskuwelahan. Walang alam, walang kwenta. Ang saklap naman ng ganoon. Mas lalo ka lamang nawawalan ng gana dahil kahit na anong sipag mo eh pakiramdam mo ay wala rin namang kwenta, wala rin namang ibubunga kaya huwag na lang. Sayang lang eh.

Pananalapi: Parte ka lamang ng isang middle class na pamilya, kunwari'y may isang kapatid. Parehong nag-aaral. Nasusutentuhan naman halos lahat ng pangangailangan mo subalit dumadating din ang mga panahon kung saan makararamdam ka ng krisis. Minsan masisisi mo na lamang ang pagtulong sa kadugo *tingin sa aspeto ng pamilya* na dahilan kung bakit minsa'y at dumadalas na'y nakakaramdam kayo ng krisis sa pera. Idagdag mo na rin kunwari ang iyong lola na may sakit na Diabetes at Toxic Goiter na kailangan ng napakahabang gamutan. Ika nga nila, rito sa Pilipinas, ang mga mayayaman ay mas lalong yumayaman, ang mga mahihirap ay mas lalong humihirap, at ang mga nasa gitna ay nahihila pababa.

Pansarili: Ikaw yung tipo ng tao na walang katiwa-tiwala sa iyong sarili. Aayawan mo lahat ng alok sa iyo na nakabubuti sana para sa iyo dahil sa simpleng rason na wala kang tiwala sa iyong sarili, takot kang magkamali at ayaw mong huahawak ng malalaking responsibilidad. Dahil nga wala kang tiwala sa iyong sarili, parang pinipigilan nito ang iyong sarili na lumago. Takot kang magkamali sa harap ng ibang tao kaya hindi mo pa nasusubukan ang isang bagay ay aayawan mo na dahil nga sa takot mo. Takot kang humawak ng malaking responsibilidad kaya sayang ang mga alok na inaayawan mo at sayang ang mga pagkakataon. At paano kung hindi mo rin pala mahal ang sarili mo? Na naiisip mong mas maganda sana ang lahat kung hindi lang nangyari ang napakaraming bagay na iyon sa iyong nakaraan *tignan na lamang ang mga nakaraang sinulat ko*. Pakiramdam mo ay napakawalang kwentang tao mo lang talaga. Sana ay hindi ka na nabuhay pa sa mundong ito kung ganitong hirap lang din ang daranasin mo. Hanggang ngayon ay patuloy kang nagpapaapekto sa iyong nakaraan kaya naman hindi ka makausad sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Naiiwan ka na lamang doon sa dating panahong iyon na ayaw mong iwanan dahil iyon ang mga panahong masaya ka pa. Patuloy mong isinusumpa ang "series of unfortunate events" na panahong iyon na naging dahilan ng paghihirap mo ngayon. Pakiramdam mo ay napakalaking sayang mo nga lang sa mundong ito. Ang laking sayang ng buhay mo. Sana hindi ka na lang nabuhay.

Pagkakaibigan: Noon ito na lamang ang natitirang matino sa lahat ng aspeto ng buhay mo, subalit unti-unting nawala ang katinuan nito. Naging pabaya ka sa mga relasyon mo sa mga tao, hindi mo nagampanan ang role ng isang mabuting kaibigan. Unti-unti silang napapalayo sa iyo, at ikaw din mismo ang lumalayo na rin sa kanila dahil ayaw mong masaktan. Nararamdaman mo na hindi na tulad ng dati ang iyong samahan at walang ka magawa upan pigilan ang mga pangyayari. Nararamdaman mo na unti-unti ka na lamang nawawala sa buhay ng ibang tao, unti-unti kang nawawalan ng halaga. Minsan maiisip mo na parang nariyan ka lamang kapag wala nang ibang nariyan. Second best nga ika nila. Ang mga taong labis mong pinahahalagahan ay unti-unting nawawala sayo, at kahit anong hatak mo sa kanila pabalik sa iyo ay hindi mo na sila mahatak pabalik dahil masaya na sila sa iba. Diyan ka na lamang sa isang tabi, hintayin mo na lang silang bumalik sa iyo. Kapag bumalik naman sila at kailangan nila ng kaibigan, nariyan ka lang naman at tatanggapin mo pa rin sila ng buong-buo. Kung wala sila eh hayaan mo na lang, magpokus ka na lang sa ibang aspeto ng buhay mo.

Libangan: Wala ka nang oras sa paglilibang. Minsan kung meron man ay ang mga kasama mo naman ang walang oras. Nasa bahay ka lang lagi, walang ginagawa. Sasabihan mo ang iyong magulang na lumabas, isasagot sa iyo ay sa susunod na lamang. Nariyan nga ang iyong kapatid subalit magkaiba naman kayo ng gusto at mas gugustuhin niyang kaharap ang kompyuter, telebisyon at mga laruan niya kaysa sa iyo. Ang mga kaibigan mo ay abala rin naman kaya hindi rin kayo makalabas. Minsan nama'y hindi ka papayagan kapag may pagkakataon. Grabe naman iyon.

Espirituwal: Madalas ay nawawalan ka na ng oras sa diyos. Abala sa kung ano-ano, kapos sa oras lagi. Nalilimutan mo na lamang siya ng di sinasadya. Tapos bigla mong maaalala na, nariyan nga pala siya, at saka ka hihingi ng tawad. Minsan makokonsensiya ka sa mga nangyayari, matatakot. Pero ano nga bang magagawa mo? Lalo na't minsan ay hindi mo mapigilan ang iyong sarili na sisihin siya, subalit mali nga iyon kaya pinipigilan mong isipin ang ganoong mga bagay.

Pag-ibig: Matagal nang suko sa pag-ibig dahil wala nga namang pag-asa. Pagod nang kaaasa sa wala. Kalimutan na lang ang iyong nararamdaman, yan ang solusyon. Subalit, sino bang nagsabing madaling makalimot? Pana-panahon lamang iyon. Akala mo wala na, tapos na ang lahat, pero kapag nagkita kayo ng taong iyon, magbabalik sa iyo ang lahat sa isang kisap-mata lamang.

------------------------------

Pakasaklap naman ng ganyan, magpapasko pa naman. Dapat ngayon ay nagpapakasaya tayong lahat! Hindi ba?!

Tuesday, December 1, 2009

Mga Alaalang Muling Nabuhay

Napakasarap sa pakiramdam ang makasamang muli ang mga taong hindi mo nakita ng 6-7 taon. Tipong, habang kasama mo sila, pakiramdam mo ay bumabalik ka sa panahon noong huli kayong nagkasama. Mga panahong, ang sarap alalahanin dahil wala kayong ibang iniinda noong mga panahong iyon, panay ang kaligayahan lamang ng isa't isa.

Muli kong nakasama ang aking mga kaibigan noong elementarya ako noong isang gabi. Halos hindi ko makilala ang ilan sa kanila. Nakakapanibago. Parang dati lang eh naroon kami sa isang makipot na damuhan sa pagitan ng dalawang building sa Miriam, naglalaro at naghaharutan. Yung dalawa sa amin nanunungkit ng bunga ng Macopa, at nang nakasungkit sila ng isang malaki at magandang Macopa, di sinasadyang nasipa ko ito. Haha. Galit na galit sa akin ang aking mga kaibigan, sabi nila ay kakainin dapat nila iyon kaya lang dahil sinipa ko na, ayaw na raw nila. Haha.

Natutuwa ako sa tuwing naaalala ko ang alaala kong iyon kasama ang aking mga kaibigan. Isa yan sa mga napakalinaw kong alaala sa aking isipan na malamang ay hindi ko na malilimutan magpakailan man. Sa tuwing naaalala ko ang alaalang ito, sari-saring ibang alaala pa ang matatandaan ko, mga alaalang lubos na nagpapasaya sa akin, subalit nagpapalungkot din.

Masayang alalahanin ang mga alaala lalo na't kung maganda ang mga ito. Matatawa ka na lamang sa mga kung ano-anong kalokohang nagawa mo at ng iyong mga kaibigan at kung ano-ano pa. Subalit, hindi purong kaligayahan ang dala nito sa akin. Kasama nito ay lungkot, madalas ay mas nangingibabaw pa ito sa kaligayahang nararamdaman ko.

Nakalulungkot isipin na tapos na lahat ng mga bagay na iyon, at kailan man ay hinding-hindi mo na iyon mababalikan. Mananatili na lamang siya sa iyong nakaraan, nakatago, minsan maaalala mo, madalas hindi. Nagbabanta ang unti-unting pagkabura nito sa iyong isipan. Nakalulungkot isipin ang mga masasayang alaala mo noon sapagkat alam mong hindi mo na maibabalik ang lahat ng iyon. hindi mo na maibabalik ang kahapon. Hindi mo na rin ito magbabago sapagkat tapos na iyon, nangyari na iyon lahat. Nakalulungkot isipin na tapos na lahat ng masasayang araw na iyon. Iisipin mo na sana hindi na lamang natapos lahat ng iyon, malulungkot ka nanaman.

"Mga panahon at pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?" Isang linya mula sa kantang Kanlungan ni Noel Kabangon.

Nalulungkot ako sa tuwing naririnig ko ang kantang iyon. Bakit? Hindi lamang dahil sa napakagandang liriko ng kantang iyon kundi dahil kakabit ng kantang iyon ang isang alaala ko noong bata pa ako. Iyon ay ang huling "turnover" ko sa Miriam. Naaalala ko naroon kami sa covered courts, gabi na iyon. May ipinalabas na video ng aming batch. Puno iyon ng litrato, mga litrato ng mga klase namin simula noong grade 1 kami hanggang grade 7. Mayroon pa roong halo-halong litrato ng bawat isa sa iba't ibang okasyong naganap sa buong buhay namin sa elementarya. Mistula siyang isang "summary" ng 7 taon naming pamamalagi sa elementarya. Naroon lahat, ika nga. Ang kantang Kanlungan ang background music ng videong iyon. Tandang-tanda ko pa, napakaraming umiyak sa amin noon. Yung mga katabi ko, sa harap, likod. Pati ako mangiyak-ngiyak na, nagpipigil lang ako.

Nakakamiss talaga. Hanggang ngayon hindi ako maka-usad sa alaala kong ito. Parang paggraduate ko ng elementarya ay tumigil na ang ikot ng mundo ko. Parang ngayong kolehiyo lang ako ulit umusad and mundo kong tumigil ng humigit kumulang apat na taon.

Subalit, sa muling pag-ikot ng aking mundo, kasabay nito ang pagmumulto ng aking nakaraan na hanggang ngayon ay hindi ko matanggap-tanggap. Muling nabuhay at nasariwa ang aking mga masasayang alaala na guguluhin lamang ang aking pag-iisip at magdudulot ng labis na kalungkutan at panghihinayang sa akin. Isama na rin natin dito ang "series of unfotunate events" na naganap sa aking buhay noong panahong iyon, na siyang nagdulot ng lahat ng pagbabago, panghihinyang at kalungkutan sa aking buhay na hanggang ngayon ay patuloy na gumagambala sa aking isipan.