Wednesday, April 21, 2010

Kasalanan ko nga ba ang lahat?

Yan ang isa sa mga napakalaking tanong na bumabagabag sa akin simula nang magsulputan ang mga problema ko sa isang aspeto ng aking buhay.

Sabi ko noon sa isa kong kaibigan, "Hindi, hindi sa aking kamay at sa napakaiksing termino ko tayo babagsak. AYOKO. Hindi mangyayari iyon."

Bago ko pa man paunlakan ang isang napakalaking pabor sa akin na pinag-isipan ko ng kalahating taon, naisip ko na lahat ng pwedeng mangyari kung sakali mang um-OO ako sa pabor na iyon. Naisip ko lahat ng maganda at pangit na maaari ngang mangyari. Di ko akalain na sa lahat ng pwedeng mangyari ay yung pangit pa talaga ang lalamang.

Hindi ko ginustong mangyari ito, hindi talaga. Hindi ko gusto lahat ng nangyayari ngayon.

Ngayong nangyari na lahat ng masamang pwedeng mangyari, ito ang tanong ko:

"Kasalanan ko nga ba ang lahat ng ito?"

Pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na hindi, hindi ko kasalanan ang lahat ng ito. Kung tutuusin ay wala naman akong ginawa kundi gawin lamang ang aking trabaho ng maayos. Pero, may malaking parte sakin ang nagsasabing oo, kasalanan ko nga ang lahat ng ito.

Bakit ko nasabi iyon? Kasi sa isip ko, hindi sana mangyayari ang lahat ng ito kung pinagsabihan ko ang iba. Hindi sana mangyayari ang lahat ng ito kung gumawa ako ng hakbang bago pa man lumaki ang problema. Wala sana kaming problema ngayon kung hindi ko pinabayaang humantong sa ganito ang mga bagay-bagay.

Ito na marahil ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko sa aking organisasyon.

Hindi ko ginustong mangyari ang lahat ng ito.

Patawad sa inyo. Patawad kung binigo ko man kayo.

Monday, April 19, 2010

Magulong Pag-iisip

Napakagulo pa rin ng aking pag-iisip. Halo-halo ang aking mga emosyon, mga emosyong pilit ko na lang itinatago dahil ayoko nang may ibang mga makaalam at mangamba sa akin. Madalas ay hindi ko na lang pinapansin ang mga bagay-bagay. Madalas kasi ay naiisip ko na baka nagiging kumplikado lang ang mga ito lalo dahil sa sobrang pag-iisip ko. Dagdag pa rito ay sa sobrang kaiisip ko, lalo lang akong nalulungkot.

Madalas pakiramdam ko'y wala pa rin sa ayos ang lahat. Samu't saring solusyon na ang iniisip ko para sa mga bagay-bagay subalit minsan ang mga solusyong iyon ay mahirap abutin, kung hindi imposible, at nangangailangan ng malaking sakripisyo.

Sa sobrang gulo ng pag-iisip ko ngayon, hindi ko na malaman kung ano ba talaga ang gusto kong ilagay sa blog na ito. Basta gusto ko lang ilabas ang mga hinaing at nararamdaman ko.

May mga oras na naiisip kong para namang nasa ayos ang lahat. Subalit, pagdaan ng ilang minuto muling sasagi sa isip ko na hindi pa rin pala. Laging ganoon ang takbo ng isip ko ngayon. Nalilito ako. Kasabay nito ang pabago-bagong takbo rin ng aking mga emosyon. Sasaya ako saglit, at muling malulungkot sa huli. Paulit-ulit-ulit-ulit....

Hindi ko na alam kung anong iisipin ko pa. Tulad nga ng sabi ko kanina, lalo lamang akong nalulungkot sa tuwing iniisip ko ang mga bagay-bagay. Kaya naman, kung ano-ano na lamang ang ginagawa ko upang ibaling ang atensyon ko sa ibang bagay. Pero alam kong niloloko ko lamang ang sarili ko sa ginagawa kong ito.

Gusto ko na lang takbuhan at iwan ang lahat sa ngayon. Pero paano ko nga naman gagawin iyon ng hindi malulungkot sa huli?