Napakagulo pa rin ng aking pag-iisip. Halo-halo ang aking mga emosyon, mga emosyong pilit ko na lang itinatago dahil ayoko nang may ibang mga makaalam at mangamba sa akin. Madalas ay hindi ko na lang pinapansin ang mga bagay-bagay. Madalas kasi ay naiisip ko na baka nagiging kumplikado lang ang mga ito lalo dahil sa sobrang pag-iisip ko. Dagdag pa rito ay sa sobrang kaiisip ko, lalo lang akong nalulungkot.
Madalas pakiramdam ko'y wala pa rin sa ayos ang lahat. Samu't saring solusyon na ang iniisip ko para sa mga bagay-bagay subalit minsan ang mga solusyong iyon ay mahirap abutin, kung hindi imposible, at nangangailangan ng malaking sakripisyo.
Sa sobrang gulo ng pag-iisip ko ngayon, hindi ko na malaman kung ano ba talaga ang gusto kong ilagay sa blog na ito. Basta gusto ko lang ilabas ang mga hinaing at nararamdaman ko.
May mga oras na naiisip kong para namang nasa ayos ang lahat. Subalit, pagdaan ng ilang minuto muling sasagi sa isip ko na hindi pa rin pala. Laging ganoon ang takbo ng isip ko ngayon. Nalilito ako. Kasabay nito ang pabago-bagong takbo rin ng aking mga emosyon. Sasaya ako saglit, at muling malulungkot sa huli. Paulit-ulit-ulit-ulit....
Hindi ko na alam kung anong iisipin ko pa. Tulad nga ng sabi ko kanina, lalo lamang akong nalulungkot sa tuwing iniisip ko ang mga bagay-bagay. Kaya naman, kung ano-ano na lamang ang ginagawa ko upang ibaling ang atensyon ko sa ibang bagay. Pero alam kong niloloko ko lamang ang sarili ko sa ginagawa kong ito.
Gusto ko na lang takbuhan at iwan ang lahat sa ngayon. Pero paano ko nga naman gagawin iyon ng hindi malulungkot sa huli?
No comments:
Post a Comment