Friday, December 3, 2010

Kapakanan ng Ibang Tao Kapalit ng Iyong Kaligayahan

Kung ikaw ay papipiliin, anong mas pipiliin mo?

Ang kasiyahan mo, o ang kapakanan ng ibang tao?

Kapag pinili mo ang kasiyahan mo, lumalabas na isa kang makasariling tao. Sarili mo lang ang iniisip mo at wala kang pakialam sa iba. Parang iiwan mo na lamang sila sa ere para lang makuha mo ang gusto mo. Masaya ka nga, pero dadalhin naman ng konsensiya mo ang pagpili mo sa kasiyahan mo kaysa sa ibang tao.

Kapag pinili mo ang kapakanan ng ibang tao, para kang nagpapakamartyr. Uunahin mo ang iba kaysa sa kagustuhan mo talaga? Kahit na sa isip at puso mo'y hindi mo talaga tanggap ang iyong ginagawa? Hindi mo lamang niloloko ang sarili mo, kundi pati ang ibang tao.

Kung ganito ang kahahantungan ng dalawang pagpipilian, anong pipiliin mo? O, may pipiliin ka pa ba sa dalawa kung alam mo namang parehong negatibo ang kahahantungan nila?

Kung konsensiya lang naman ang basehan ng iyong desisyon, mabuting huwag mo na lang pairalin ang iyong konsensiya, ayon sa Pilosopiya. Bakit? Kasi, ang pagdedesisyon na dala ng konsensiya ay may kaakibat na pagpapasa ng surot ng dibdib. Bakit ka nga ba nakokonsensiya? Hindi ba dahil iyon sa surot ng iyong dibdib? Kapag nagdesisyon ka dahil sa pagkakonsensiya mo, ang surot ng iyong dibdib ay maipapasa sa ibang tao. Matatanggal nga ang surot sa iyong dibdib, pero ibang tao naman ang magdadala nito. Gugustuhin mo ba iyon?

Kahit anong piliin mo, wala pa ring magandang maidudulot ang pareho. Ang batayan na lamang ngayon ay, piliin ang kung anong mas maraming magandang maidudulot, labag man o hindi ito sa loob mo.


No comments:

Post a Comment