Lumaki kami ng aking kapatid na sanay na nakaririnig ng mga sigawan araw-araw, sa 3-4 buwan sa isang taon na namamalagi ang aming ama sa aming tahanan. Wala na lamang sa amin iyon, parang parte na ng normal na buhay namin. Pagkatapos ng sigawan ay tatahimik ang buong kabahayan, pero muling iingay sa susunod na araw.
Subalit, iba ang mga pangyayari nitong nakaraang araw. Isang araw na dapat sana ay espesyal sapagkat wedding anniversary ng aking mga magulang. Nagkaroon ng isang away, ito'y lumaki, at maraming tao ang nadamay. Ang aking ama, ina, ina ng aking ina, ang kapatid ko, at ako. Maraming luha ang dumaloy. Galit na galit ang lahat. Ang huling napag-usapan na lamang ay ang kung anong gagawin ng mga galit at ayaw sa aking ama.
"Umalis sa bahay ko ang lahat ng ayaw sumunod sa akin. Bahala kayo sa buhay niyo." Sabi ng haligi ng tahanan.
Pinapili na kaming dalawang magkapatid kung kanino sasama. May mga plano na kung saan lilipat ng bahay, kung anong mga kailangang gawin pagtapos ko ng pag-aaral, kung anong mga kailangang gawin upang makaraos ng hindi kumpleto ang pamilya.
Noong bata pa lang ako at hindi pa naipapanganak ang aking nakababatang kapatid, mulat na ako sa mga ganitong pangyayari. Sariwang-sariwa pa nga sa aking alaala ang isang napakalaking away ng aking magulang noon na muntik na ring humantong sa ganito, subalit hindi naman natuloy.
Ngayon, hindi ko alam kung matutuloy ang lahat ng planong plinano ng bawat isa rito sa bahay. Isang araw matapos ang away na iyon, wala pa ring nagaganap na matinong usapan sa bahay na ito. Nababalutan ng katahimikan ang buong bahay at walang buhay.
At ako, anong gagawin ko at ng aking nakababatang kapatid? Hindi ko alam kung anong iisipin ko, kung anong gagawin ko o kung anong sasabihin ko. Litong-lito na talaga ako. Hindi ko alam kung hanggang kailan magtatagal ang sitwasyon naming ito, o kung tuluyan na ba talagang mapuputol ang aming samahan at mawawasak ang pamilya ko.