Saturday, February 28, 2009

Mga Mundo sa Mundo

Tayong lahat ay nakatira sa iisang mundo. Isang mundong, 4.55 taon na ang edad. Isang mundong sinimulan sirain ng mga taong tulad natin noong nakaraang 2.3 milyong taon. Kawawa naman ang mundo, ang tagal-tagal niyang nananahimik, tapos bigla na lang may lilitaw na bagay o tao tapos sisirain siya nang ganun-ganun lang.

Pero, hindi naman tungkol sa mundo natin at kung paano ito sirain ng mga tao ang gusto kong pag-usapan ngayon. Gusto ko magmuni-muni tungkol sa mga mundong nasa loob ng mundo natin.

Nakatutuwang isipin na sa mundo natin, mayroon pang mga mundo na nasa loob nito. Minsan pa nga, sa loob ng mga mundong nasa loob ng mundo, mayroong isa pang mundo na nasa loob nito. Maraming mundo. Marami. Hindi lang natin napapansin dahil masyado tayong nakasentro sa sarili nating mundo.

Oo, lahat tayo may sariling mundo. Para sa karamihan, pangit pakinggan ang isang taong may sariling mundo dahil parang lumalabas na nababaliw na ang taong iyon o kaya naman ay may sira sa pag-iisip. Pero aminin man natin o hindi, bawat isa sa atin ay may sariling mundo.

Ang mundong ginagalawan at tinatapakan nating lahat ngayon ay umiikot lamang sa araw na itinuturing na sentro ng kalawakan. Ang araw ang sentro ng lahat, sa kanya umiikot ang lahat, siya ang pinakamahalaga sa lahat, hindi mabubuhay ang lahat kung wala siya. Siya nga ang sentro diba. Maihahalintulad natin ito sa mga sari-sariling mundo natin; mayroon ding sariling iniikutan, mayroon ding sariling sentro.

Ang mundo ko, noong una, hindi ko alam kung saan umiikot. Nabuhay ako ng mahigit labing anim na taon na di ko nalalaman ang tunay na iniikutan ng aking mundo. Parang wala lang. Mayroon lang akong mundo na umiikot sa di ko alam kung saan at may sentro pero hindi ko rin sigurado kung ano. Ngayon-ngayon ko lamang napagtanto na, mayroon palang iniikutan ang aking mundo, meron din pala itong sentro.

Naisip ko, paano kaya kung hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang iniikutan at sentro ng aking mundo? Paano kung mananatili akong walang alam? Ano kaya ang mga pagkakaiba nun sa ngayon, ngayon na alam ko na at malinaw na malinaw na sa akin ang iniikutan at sentro ng aking mundo?

Hindi ko alam. At parang ayoko na rin malaman ang sagot sa mga tanong na nabanggit ko. Basta, mananatiling umiikot ang aking mundo at magiging sentro nito iyon (tingin sa malayo), katulad na lamang ng walang tigil, pagod at sawa na pag-ikot ng mundo nating lahat sa araw simula pa noong nabuo ang mundo at kalawakan hanggang ngayon.

Kalungkutan at Kasiyahan

Bakit ba nakararanas pa ang tao ng kalungkutan?

Sa ayaw at sa gusto natin.. may darating pa rin na mga bagay o tao sa buhay natin na sadyang magpapalungkot sa atin. Hindi ba nakakainis? Hindi naman natin hinahanap yung mga bagay o tao na iyon pero bigla na lang susulpot sa buhay natin, at magdadala ng kalungkutan.

Sana mayroong paraan upang harangan lahat ng nakalulungkot na bagay na darating sa buhay natin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ang tao ng dahilan para malungkot dahil ayun na nga, wala nang ikalulungkot pa ang tao. Masaya na lang lagi, masaya. Pero minsan, sa ibang tao, mismong ang pinanggagalingan ng kasiyahan ang siya ring pinanggagalingan ng kanilang kalungkutan..

Bakit kailangang maging isa ang pinanggagalingan ng aking kasiyahan at kalungkutan?

Isa nanamang tanong na bumabagabag sa akin. Matagal ko na itong naisip, nalimutan ko na nga eh. Pero kanina, bigla na lang ulit itong pumasok sa aking isipan at muli nanamang nanggulo.

Hindi ko akalain na posibleng mangyari ang ganoon, ang iisa ang pinanggagalingan ng kasiyahan at kalungkutan ng isang tao. Napaka-wirdo. Parang baliw lang. Madalas naiisip ko, ano nga bang nangingibabaw, kasiyahan o kalungkutan? O.. pantay? Hindi, sigurado akong hindi pantay. Dahil kung pantay lang ang kasiyahan at kalungkutan na naidudulot ng bagay o taong tinutukoy ko, hindi ba dapat ay wala na akong emosyon ngayon? Pantay eh. Ibig sabihin walang nangingibabaw, o kaya naman ay parehong nangingibabaw.

Sa ngayon, pareho kong nararamdaman ang kasiyahan at kalungkutan na dulot ng bagay o taong iyon. Subalit, may isang emosyon na nagingibabaw at nasasapawan ang isa. Ang emosyon na iyon ang kumokontrol sa akin ngayon.

May bago nanaman akong pagkakabilangguan. Nadagdagan nanaman ang pagkahabahabang listahan ko.

Ngayon, napagtanto ko na matagal na pala akong bilanggo ng aking emosyon. At sa bilangguang iyon, kasama na ako sa pila ng mga bilanggong malapit nang bitayin.

Wednesday, February 25, 2009

Hapong Pag-iisip

"Ano kayang ibig sabihin ng lahat ng iyon?"

Walang araw ang lumipas na hindi ko tinanong sa sarili ko ito. Simula nang magsimulang mangyari ang mga kakaibang pangyayari na iyon, hindi na ako natahimik. Ano nga ba kasing ibig sabihin ng lahat ng iyon? Bakit ngayon, patuloy pa rin na umuulit at nadadagdagan ang mga pangyayaring iyon?

Ang gulo-gulo ng isip ko. Hindi ko talaga maiwasan na pag-isipan ang lahat ng iyon. Kahit na marami akong ibang iniisip at ginagawa, sasagi't sasagi sa isipan ko ang mga iyon. Paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko yung mga pangyayari, paulit-ulit, parang sirang plaka. Play-Rewind-Play-Rewind-Play----STOP. Ngunit kahit na ganoon, kailan ma'y hindi ako nagsawa.

Ang ikinaiinis ko lamang ay hanggang ngayon, hindi ko alam kung ano nga ba ang tunay na emosyon na nangingibabaw sa akin sa tuwing naiisip ko ang lahat ng iyon. Minsan natutuwa ako, madalas hindi. Nakapagbibigay saya sa akin ang lahat ng iyon. Sa katunayan pa nga ay isa yun sa mga iilang bagay sa buhay ko na nakapagpapasaya sa akin. Subalit minsan, hindi ko maiwasang makaramdam din ng lungkot dahil doon. Malabo. Napakalabo ko.

Bakit ba kasi kailangan may mangyaring mga bagay na magpapagulo lamang ng isipan ko? Napakarami ko na ngang iniisip, dadagdag pa lahat ng iyon. Ang lubos na kaligayahan na nakukuha ko roon ay unti-unti nang nagiging kalungkutan ngayon.

Siguro, mas mabuti kung pigilan ko muna ang aking sarili na pag-isipan ang lahat ng iyon. Kailangan ko munang pagpahingain ang aking isipan at burahin ng tanong na "Ano kayang ibig sabihin ng lahat ng iyon? roon". Pagod na pagod na ang isipan ko, pagod na pagod na sa kaiisip sa mga bagay na sa tingin ko naman ay hindi ko naman dapat masyadong binibigyan pansin, mga bagay na hindi naman gaano karapat-dapat ng paglaanan ng oras upang pag-isipan. Kung patuloy kong pag-iisipan ang lahat ng mga bagay na gumugulo sa akin, mas lalo pa itong magiging magulo at malabo.. Mas lalo akong mahihirapang makahanap ng kasagutan sa tanong na walang tigil na bumubulabog sa akin.

Maghintay ang tamang gawin. Maghintay ng sagot sa tanong na iyon at huwag unahan ang pagsagot dito. Walang maidudulot ang pag-iisip ng kung ano-anong posibleng sagot na panay hula lamang at walang kasiguraduhan. Niloloko ko lamang ang sarili ko. NILOLOKO.

(sorry sa paulit-ulit na paggamit ko ng salitang "iyon". Yun lang kasi ang tanging paraan para masabi ko ang gusto kong sabihin.)

Tuesday, February 24, 2009

Bilanggo

Heto nanaman ako. Isang bilanggo. Bilanggo nanaman ng pagkarami-raming gawain, proyekto, pagsusulit at kung ano-ano pa. Bilanggo sa pag-aaral., bilanggo sa pagiging isang estudyante o kolehiyala (mas magandang pakinggan), bilanggo ng aking unibersidad.

Sino ba ang gustong maging isang bilanggo? Wala. Baliw lang ang magsasabing gusto niya maging isang bilanggo. At sino bang gustong makaranas ng maraming hirap na dinaranas ng isang bilanggo? Malamang ay wala rin, maliban na lamang sa mga taong, tulad nga ng nabanggit ko kanina, baliw o may sayad.

Ako? Buong buhay ko, isa akong bilanggo. Matagal na akong bilanggo ng maraming bagay at tao sa buhay ko. Bilanggo ako sa mundong ito, bilanggo sa buhay kong ito, bilanggo ako sa aking unibersidad, bilanggo ako sa pamilya ko, bilanggo sa puso ng isang tao. Sawang-sawa na ako sa pagkakabilanggo. Uhaw na uhaw na ako, uhaw sa kalayaan.

Kelan ko kaya makakamit ang kalayaan na matagal ko nang inaasam? Hindi ko alam. Wala akong ideya. Ang tanging naiisip ko lamang ngayon ay, malamang, habambuhay na lang ako magiging isang bilanggo. Kahit na hindi ko gusto, wala naman akong magagawa para baguhin ang lahat ng iyon. Ang magagawa ko lamang ay tanggapin ang katotohanan at sanayin ang aking sarili sapagkat ang pagiging isang bilanggo ay parte na ng realidad ng buhay.

Sunday, February 22, 2009

Hindi Na Ito Makatarungan

Bakit kailangang magsabay-sabay ang mga problema sa pagdating sa aking buhay?

Ngayon, gusto ko na lang sabihin na..

Lord, hinay-hinay lang.. mahina ang kalaban..

Totoo naman. Nahihirapan na ako sa mga problemang kinakaharap ko ngayon. Tapos heto, may dumagdag nanaman. At ayun, may dumagdag muli na isa pa. May susunod pa kaya?

Sana naman wala na. O kung meron pa mang paparating, sana magpreno muna yun, stop-over, sa isang tabi, saka na siya tumuloy sa pagdaan sa kalsada ng buhay ko kapag tapos na ang mga problemang kinakaharap ko ngayon. Nahihirapan na talaga ako. Ngayon lamang ako nagkaroon ng ganito kabigat na problema sa labimpitong taon, siyam na buwan at dalawamput-dalawa na araw na itinagal ko sa mundong ito.

Gusto ko nang sumuko. Kaya lang naisip ko, ano nga bang makukuha ko sa pagsuko? Wala naman. Mas mabuti nang lumaban. Dahil kapag lumaban ka, may mapapatunayan at maipagmamalaki ka pa sa bandang huli.

Sa ngayon, ipagpapatuloy ko pa ang laban. Hindi na muna ako susuko. Saka na siguro yun, kapag dumating ang araw na wala na talaga akong makitang pag-asa o kaya naman ay kapag naubusan na ako ng dahilan para maging masaya.

Mayroong pang tatlong bagay na patuloy na nagpapasaya sa akin ngayon. Iyon na lamang ang pinaghuhugutan ko ng lakas para magpatuloy sa laban na ito dahil bukod pa roon ay wala na talaga akong nakikitang pag-asa. Kapag nawala ang tatlong iyon, hindi ko na alam kung anong gagawin ko.

Saturday, February 21, 2009

Ano Nga Bang Dapat Na Inilalagay Sa Mga Ganito?

Bakit nga ba gumawa ulit ako ng isa pang blog? Meron na nga akong isa eh, sa livejournal. Eh bakit gumawa pa ako?

Ewan. Malay. Hindi ko alam.

Bigla na lang pumasok sa isip ko na parang gusto kong gumawa ng isa pa.

Wala lang. Yung isa kong blog kasi, ingles ang lenguaheng ginagamit ko kapag gumagawa ako ng blog post. Tapos, wala nang ibang nakakakita o nakababasa ng mga gawa ko roon maliban sa akin dahil sinadya ko talagang gawing pribado ang blog na yun.

Kaya heto, gumawa ako ng isang pang blog na maipapakita ko sa publiko, na mababasa ng kahit na sino. Ginawa ko ang blog na ito kahit na sa totoo lang, ayoko talaga.

Ang labo ko talaga kahit kailan.

Ginawa ko ang blog na ito kahit na ayoko dahil naisip ko na masyado na akong nagiging makasarili. Lahat na lang ng mga iniisip ko, tinatago ko na lang sa aking sarili o di kaya'y inilalagay ko sa pribado kong blog. Walang nakakaalam sa takbo ng aking isipan maliban sa akin at ilang mga taong mabibilang mo sa isang kamay ang dami.

Magbabago na ako. Ipaaalam ko sa buong mundo ang mga laman ng aking isipan. Hindi na ako magiging makasarili. Sawang-sawa na akong maging makasarili. Ano ngayon kung malaman ng mga tao ang laman ng aking isipan? Hindi naman nila ako kilala.

Makabubuti rin para sa akin ang ganito, ang mayroong napaglalabasan ng sama ng loob o kaya naman ay mapaglalabasan ng kahit na anong bumubulabog sa aking isipan. Mas gagaan ang pakiramdam ko, mababawasan ang lungkot na madalas kong nararamdaman. Mahirap na, baka sa sobrang pagtatago ko ng aking mga emosyon at iniisip, bigla na lang ako mabaliw. Ayoko namang mangyari yun.

Tama na muna itong mga nasabi ko ngayon. Marami pa akong kailangang gawin. Sapat na ang mga nailabas kong saloobin sa araw na ito. Sa susunod na lang ulit.