Sunday, January 31, 2010

Tupang Naliligaw

Hindi ko alam ang aking gagawin. Hindi ko alam kung anong susunod na hakbang ang aking gagawin, kung kailan ko gagawin ang hakbang na iyon at kung gagawin ko nga ba ang hakbang na iyon na hindi ko naman alam kung ano nga ba ang hakbang na iyon (Ano raw?!).

Naguguluhan na ako. Para akong isang tupang naliligaw; hindi ko makita ang gumagabay sa akin. Hindi ko makita ang aking mga kasama. Hindi ko alam kung saan na ako patungo dahil wala nang tagabigay ng direksiyon sa akin.

Tulad ng isang naliligaw na tupa, ako ay nag-iisa.

Ano bang nararapat kong gawin sa ganitong sitwasiyon? Gulong-gulo na ako. Kung ano-anong mapagkakaabalahan na lamang ang aking ginagawa upang ilayo ang pag-iisip ko sa kung ano-anong mga bagay na ayaw kong isipin. Pero alam kong walang mangyayari kung patuloy ko lang tatakbuhan ang pinoproblema ko ngayon. Kailangan kong kumilos, kailangan.

Kaya lang, natatakot akong kumilos. Natatakot ako sa muling kahahantungan ng mga bagay-bagay. Natatakot ako na muling magkamali sa pagdedesisiyon.

Parang isang naliligaw na tupa, hindi ko mawari kung anong daan ang tatahakin ko, at natatakot akong dumaan sa isang daanan sa kadahilanang baka mas lalo lamang akong mawala at mapalayo sa aking mga dating kasama kung doon ako dumaan.

Paano ba ito? Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.

Sana, tulad ng ibang mga tupang naliligaw, makabalik din ako sa dati kong pinanggalingan. Mahanap ko sana ang mga taong gumagabay sa akin at ang mga dati ko ring kasamahan. Sana ang tamang daan ang tahakin ko at hindi na muli sana ako mauwi sa isang maling desisiyon na pagsisisihan ko nang labis-labis sa bandang huli.

Friday, January 29, 2010

Daig pa ang Hangin (Part 2)

Heto na naman ako.

Pakiramdam ko ay mistula hangin na naman ako.

Ano bang pagkakatulad namin ng hangin?

Ang hangin, hindi nakikita. Parang ako, pakiramdam ko ay walang nakakakita sa akin.
Ang hangin, madalas hindi pinapansin. Parang ako, wala lang kung nariyan ako.


Pero ano ang pinagkaiba namin ng hangin?

Ang hangin, mahalaga sa bawat tao para mabuhay. Ako? Ano ba ako sa buhay ng mga tao?!?!
Ang hangin, kahit di mo nakikita, nararamdaman mo. Ako? Wala lang. Wala lang ako.

Naalala ko ang isang linya sa isang palabas na napanood ko. Sinabi ito ng isang babae sa lalaking dati niyang minamahal.

"Ang hangin, hindi na binabalikan ang kaniyang mga iniwan."

Hindi ako naniniwala run. Bakit, hindi ba't kapag mahangin, paulit-ulit mo iyon mararamdaman? Bakit, ilang hangin ba meron rito sa mundo? Iisa lang, walang lumalabas na hangin sa mundo. Iisang hangin lang nilalanghap nating lahat, nagsiswimming lang tayo sa isang malaking pool ng hangin sa lupa.

Tulad ng hangin, patuloy lang akong iikot-ikot sa paligid. Aaligid-aligid sa tabi-tabi kahit na wala namang nakakapansin. Pero kung totoo man ang sinabi ng babae sa palabas tungkol sa pang-iiwan ng hangin at di pagbalik, ako iba. Hindi ako mang-iiwan at babalik-balikan ko ang aking mga dinaanan. Pero, sa aking pagbalik o muling pagdaan, mahina nang hangin ang dala ko. Mahirap nang mapansin o maramdaman. Bakit? Kasi napapagod din naman pati ang hangin. At isa pa, gusto kong malaman kung sino ang mga taong makakapansin sa akin kahit na gaano pa man kahina ang hanging dala ko.

Sunday, January 24, 2010

Ekstrang Hollow Block sa Pader

Para sa dalawang tao na napakahalaga sa akin:

Hindi ko alam kung mababasa niyo ang blog kong ito o hindi, pero sana mabasa niyo dahil sa totoo lang hindi ko kayang sabihin ito sa inyo ng harap-harapan kahit na gaano ko pa man gustong malaman niyo ito. Pareho lang naman ang gusto kong sabihin sa inyong dalawa kaya pag-iisahin ko na kayo sa pagtukoy ko sa inyo. Simulan na natin.

Namimiss na kita, sobra. Hindi mo alam kung gaano kita namimiss. Nangungulila ako sa'yo, hindi ko alam kung ramdam mo iyon. Sinusubukan kong mapalapit muli sa iyo, ang ibalik ang dati, subalit, parang wala namang nangyayari sa bawat kilos na ginagawa ko.

Aminado akong kasalanan ko rin kung bakit nagkaganito ang lahat. Malamang kung hindi ako tinopak at lumayo pansamantala eh medyo nasa katinuan pa ang lahat. Pero sorry, hindi ko lang talaga maiwasan na gawin iyon. Minsan kasi ang paglayo lamang ang paraan ko para umiwas sa hindi ko gusto maramdaman.

Ngayon, nanghihinayang ako. nanghihinayang ako sobra. Nakakapanghinayang ang lahat ng pagbabago. Dati, sobrang malapit ako sa iyo, kaya kong sabihin ang kahit na ano sa iyo, malaya kong naipapakita ang emosyon ko sayo, at kung ano-ano pa. Nakakapanghinayang at nakalulungkot na hindi na katulad ng dati ang ngayon. Nagbago na, nagbago na ang karamihan, kung hindi man ang lahat sa atin.

Sorry kung naging ganito or nagbago man ang pakikitungo ko sa iyo, pero dala lang ito ng paninibago ko rin sa iyo. Hindi na nga talaga tulad ng dati ang mga nangyayari ngayon. Sa katunayan, may mga panahong naiilang na ako sa iyo sa di malamang dahilan. Madalas ay nagdadalawang-isip akong kausapin ka tungkol sa ibang mga bagay na dati'y walang pag-aalinlangan ko namang nasasabi sa iyo. Noon, kahit anong oras o panahon man yan, kukulitin kita kung gusto ko. Pero ngayon, hindi ko na magawa iyon dahil para bang napakalamig na rin ng pakikitungo mo sa akin kaya nahihiya na akong kulitin ka o kausapin ka.

Dati, walang araw ang lilipas na hindi tayo nag-uusap. Mapa-YM man yan, text o kung ano pa mang uri ng kominikasyon, hindi nawawala ang kahit alin man doon. Pero ngayon, wala na. Minsan hindi na nakakapanibago kung isang linggo na ang lumipas na hindi tayo nag-uusap kasi ganun na ang nangyayari madalas.

Namimiss ko ang lahat ng mga ginagawa natin noon ng magkasama, ang walang humpay na kwentuhan, tawanan, kulitan at mga kalokohan. Namimiss kitang kasama, huwag na nating pahabain pa. Namimiss kita. Yun lang.

Ngayon may maliliit lang ako na hakbang na ginagawa upang unti-unti kong maibalik ang dati, kaya lang minsan sumasagi na lang sa isip ko na para bang wala nang nangyayari kahit na anong gawin ko. Ayoko itong mga naiisip ko ngayon pero hindi ko talaga maiwasang maisip ang ganitong mga bagay. Pero kahit na, hindi pa rin ako susuko. Hindi ko man maibalik ang dati eh gusto kong mabago muli ang kasalukuyang kalagayan natin ngayon. Ayoko ng ganito, ayoko. Nasasaktan kasi ako.

Hindi man ako nagpaparamdam madalas sayo dahil sa pagka-ilang o hiya ko sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na makwento at sinasabi ang halos lahat sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na laging nariyan sa tabi mo, nais ko pa ring sabihin sa iyo na nandito lang naman talaga ako, hindi lang halata.

Kung kakailanganin mo ng isang tao na makakausap, makakakulitan, masasabihan ng kahit na ano, subalit wala ang mga taong kadalasang kasama mo o kakwentuhan mo araw-araw, tandaan mo, sa likod nilang lahat, naroon lang ako. Kung wala sila, o kung may isa man sa kanila ang umalis sa kanilang pwesto, sa butas na iiwan nila ay masisilip mo ako. Naroon lang ako sa likuran nilang lahat, tahimik na naghihintay. Kapag may isang nawala sa pwesto o kinalalagyan niya, huwag kang mag-alala, susubukan kong punan iyong butas na iiwan niya.

Nandito lang talaga ako, hindi lang halata. Nasa likuran lang ako ng isang malaking pader na nakapaligid sa iyo. Isa akong bloke ng hollow block na nakasagana sa isang tabi na maaari mong ipalit sa oras na may magibang parte ng pader na nakapaligid sa iyo.

Sa ngayon na matibay pa ang iyong pader, hindi mo muna ako kakailanganin. Doon muna ako sa isang tabi mamamalagi. Okay lang sa akin iyon, matiyaga akong maghihintay sa likod ng pader mo. Masaya ako na masaya ka. Basta, huwag mo sanang kalimutan na sa likod ng napakalaking pader na nakapalibot sa iyo ay isang labis o ekstra na hollow block na magagamit mo sa oras na kailanganin mo. :)




Monday, January 18, 2010

Ang Hirap

Akala ko hindi na ako maaapektuhan sa lahat ng aking nalaman, pero nagkamali ako.

Marahil ay tama nga ang aking mga kaibigan sa pagsasabi sa akin na, in denial lang talaga ako nitong mga nakaraang buwan sa tuwing sinasabi kong "over na ako". Akala ko nakarating na ako sa huling stage, ang acceptance stage, pero hindi pa pala. Napakalayo ko pa pala roon, nasa kabilang dulo pa ako.

Ang hirap. Parang noon ay wala na akong halos pakialam sa bagay na ito, pero ngayon eh nagbalik na lang ang lahat at hindi na ako mapakali. Nakakainis.

Pero at least ngayon, alam ko na ang katotohanan. Napunan na ng sagot ang napakarami kong tanong noon. Wala nang duda, alam na, alam ko na ang lahat.

Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay makarating sa pinakahuling stage, ang pagtanggap. Nako, apat na stage pa ang kailangan kong lampasan. Pero kakayanin, kakayanin kahit gaano pa man kahirap.

Sunday, January 17, 2010

Pareho lang pala tayo eh!

Akalain mo yun!

Pareho lang pala tayo ng nararamdaman eh.

Pareho lang pala tayong nagtatago ng nararamdaman.

Pareho tayong nanghihinayang sa isang magandang pagkakaibigan.

Pareho tayong halos mamatay sa bawat araw na lumilipas..

Pareho tayong kinakabahan kapag kasama siya..

Pareho tayong nahihirapan..

Pareho tayong nagmamahal..

Pareho tayong patagong nagmamahal ng isang matalik na kaibigan..

Pareho nating mahal ang ating best friend.

Teka nga, best friends nga pala tayo!

Yun naman pala eh.

Wala na palang problema dahil alam na!

Ay teka, nalimutan ko,,,

May iba ka pa nga palang best friend at may iba rin ako.

Linawin natin.

Ako kasi, ikaw yung tinutukoy kong best friend na iyon.

Eh ikaw, sinong tinutukoy mo?

Ah, siya pala.. siya pala yun, hindi ako.

Pasensiya na, akala ko ako eh.

Akala ko pareho lang pala tayo,

Pero hindi pala.

Sayang.

Sa best friend na parte pa nagkaiba.

Saturday, January 9, 2010

Ginawa kang Malakas ka, kaya maging Malakas ka.

"Malakas ka. Ginawa kang malakas ng Diyos. Nakikita ko sa'yo na malakas ka, kaya patunayan mo iyon. Hindi pwedeng susubukan mo lang maging malakas. Sabihin mong kaya mong maging malakas. Maging malakas ka di lamang para sa iyong sarili kundi para na rin sa lahat ng naaapektuhan ng problema niyo, dahil saan pa ba sila kukuha ng lakas kung pati ikaw ay suko na. Maging malakas ka hindi lamang sa labas kundi lalong-lalo na sa loob dahil iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi ka dapat umiyak. Paglabas mo sa silid na ito, wala na dapat luhang umaaligid sa iyong mata, sa halip ay kalakasan ng loob ang iyong ipakita."

Yan ang mga katagang iniwan sa akin ng paring nakausap ko kanina noong ako ay nangumpisal.

Matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na malakas ako. Sa tingin ko ay naipapakita ko naman sa karamihan ng mga tao na malakas nga ako, kahit na sa loob-looban ko ay puno ng kahinaan, takot at pangamba. Nagagawa kong ipakita sa lahat na maayos ang lahat kahit na sa katunayan ay kabaliktaran ng lahat ang nangyayari. Kaya kong ipamukha na masaya ako kahit na sa katunayan ay halos mamatay na ako sa loob-loob sa labis na bigat ng aking loob.

Malakas ako, kaya lamanag ay may mga panahong mas nangigibabaw ang kahinaan ng loob ko. At kapag iyon ang nangibabaw, wala na akong ibang magagawa kundi lumuha na lamang.

Bago ako lumabas sa makipot na silid na iyon, pinilit ako ng paring nakausap ko na sabihin kong "Magiging malakas ako." Ayaw niyang sabihin kong "Susubukan ko", ang gusto niya ay "Magiging". Parang noong nakaraang bagong taon lamang ay mayroon akong iblinog na tungkol sa dalawang salitang ito.

Kung yun nga lang ang tanging paraan, sige, magiging malakas ako. Magiging malakas ako di lamang para sa aking sarili kundi para sa aming lahat na apektado sa mga pangyayari. Hindi ko na pangingibabawin ang emosyon ko. Magiging matapang ako.

Magiging malakas ako, sapagkat ginawa akong malakas, at kailangan kong patunayan iyon.

Tuesday, January 5, 2010

Tinig na Nakaririndi

Sawa na ako.

Sawa na akong marinig ang lahat ng iyon ng paulit-ulit. Takpan ko man ang aking mga taenga ay parang wala nang talab ito.

Ayoko na, naririndi na ako sa mga tinig na iyon.

Simula kabataan ko, iyan na ang kinagisnan ko. Ang mga tinig na iyan. Walang tigil na naghihiyawan, nagsasagutan, nagpapataasan, kung hindi man araw-araw ay oras-oras, basta parehong nasa isang lugar ang may-ari ng mga tinig na iyon. Walang tigil, walang preno, magdamag na ganoon.

Nakaririndi na talaga sa taenga.

Mabuti sana kung hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi ng mga tinig na iyon. Mabuti sana kung hindi ako naaapektuhan sa mga tinig na iyon. Mabuti sana kung walang taong nadadamay sa mga usapan ng dalawang tinig na iyon.

"Magkaayos naman sana kayo, o dalawang tinig n'aking naririnig.
Musika ang inyong ihatid, magaganda't masasayang himig.
Mga tao sa paligid niyo'y labis-labis nang natatakot,
Sa hindi magandang kahahantungan na maaaring idulot."


Saturday, January 2, 2010

Patawad

Patawad.

Patawad kung naging ganito ako ngayon.

Patawad kung binigo kita o kayo. Hindi ko ninais maging ganito. Alam kong napakalaki ng ipinagbago ko nitong mga nakaraang buwan, pero hindi ko lang talaga makayanan ang lahat ng mga pangyayari. Naging ganito ako sapagkat hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, kung paano ko aayusin ang mga bagay-bagay. Naging ganito ako dahil sa unti-unting pagkamuhi ko sa bawat araw ng aking buhay, sa pagkamuhi sa mga nangyayari at mga mangyayari pa.

Patawad.

Patawad kung ito ang naging paraan upang mabawasan ko ang mga sakit at hirap na nararamdaman ko. Patawad kung ito ang naging paraan ko para mapadali ang pagtanggap ko sa lahat. Patawad dahil naging makasarili akong labis, dahil sarili ko lamang ang aking inintindi at nawalan ako ng pakialam sa iyo at pati na rin sa iba.

Patawad.

Patawad kung isa ka sa mga labis na naaapektuhan sa pagiging ganito ko ngayon. Alam kong nahihirapan ka; sa katotohanan ay ikaw ang pinakanahihirapan sa ating lahat, wala akong magawa. Wala na nga akong magawa ay hindi ko pa kaagad napansin na isa ako sa nagiging dahilan ng lalong paghihirap ng loob mo.

Patawad.

Patawad kung nagiging katulad ko siya. Aminado akong nagiging katulad ko siya, at hindi ko gusto ito. Alam mo kung gaano ko sinusubukang huwag maging katulad niya, pero hindi ko rin napansin kaagad na unti-unti na pala akong nagiging tulad niya, na nagbibigay lang ng sakit sa iyo. Hindi ko talaga ito gusto, ayoko maging ganito habang buhay.

Patawad.

Patawad dahil mas lalo lang akong naging pabigat sa iyo. Patawad dahil hindi na kita nabigyan ng panahon. Patawad dahil hindi ko na nagawang iparamdam sa iyo kung gaano kita kamahal dahil madalas ay mas nangingibabaw ang galit at poot sa aking puso na dala ng lahat ng mga pangyayari sa atin.

At higit sa lahat,

PATAWAD

Patawad dahil hindi ko masabi ang lahat ng ito sa iyo ng harap-harapan. Patawad sa pagiging isang napakalaki kong duwag at ang aking kawalan ng lakas ng loob. Patawad dahil mas nangingibabaw ang takot sa akin kaysa ang tapang ngayon. Patawad kung manatili man ang lahat ng ito rito, at kung hindi man ito makarating sa iyo.

Patawad, patawad...

Patawad sa lahat...

Friday, January 1, 2010

Bagong Taon, Susubukan Ko

Kakabit ng pagsapit ng bagong taon ang mga sinasabi ng mga tao na bagong buhay at bagong simula. Sino mang tao, maririnig mong sinasabi yang mga linyang iyan. "Magiging ___ na ako", "Hindi na ako...", "Sisimulang ko nang....", "Mag-___ na...." at kung ano ano pang bersyon na gusto nila. Hindi iyan nawawala sa tuwing sasapit ang bagong taon. Pero ako? Madalas ay hindi ko na ginagawa iyan, o kung minsan may ginagawa ko pero hindi ko na sineseryoso. Madalas joke joke na lang ang mga ginagawang kong resolusyon para sa akin.

Hindi ko naman kasi nagagampanan o napapatunayan na kaya ko ang lahat ng mga sinabi kong iyon sa bandang huli. Walang natutupad o nagagawa. Minsan makikita mong meron sa simula pero habang tumatagal ay unti-unti ring nawawala.

Kapag gumagawa ako resolusyon, sinisimulan ko ito sa salitang "Susubukan". Susubukan lang naman eh, walang masama o di ka masasaktan sa huli kung di ka magtagumpay sa bagay o kung ano mang iyong sinubukan. Iba iyon sa pagsasabi ng "Magiging" o "Hindi na" sapagkat kapag iyan ang ginamit mo at hindi mo iyon napatunayan sa bandang huli, eh para mo na ring niloko ang sarili mo.

May nais akong subukan ngayong taon na ito. Kakaunti lang naman iyon at napakageneral din sa totoo lang.

Susubukan kong ayusin ang buhay ko ngayong taon.

Yan pa lang, sakop na niya lahat ng nais kon mangyari ngayong taon. Nais ko lang sana maayos ang lahat. Susubukan kong ayusin ang lahat sa abot ng aking makakaya.

Kung magtagumpay ako sa bandang huli, eh di masaya. Kung hindi, patuloy ko na lang susubukan uli hanggang sa magtagumpay siguro ako sa mga hinahangad kong mangyari.

Oo, susubukan kong ayusin ang buhay ko at ang lahat ng umiikot sa paligid nito. Umaasa akong maaayos ko ng unti-unti ang mga bagay-bagay, ang lahat-lahat.