Saturday, January 9, 2010

Ginawa kang Malakas ka, kaya maging Malakas ka.

"Malakas ka. Ginawa kang malakas ng Diyos. Nakikita ko sa'yo na malakas ka, kaya patunayan mo iyon. Hindi pwedeng susubukan mo lang maging malakas. Sabihin mong kaya mong maging malakas. Maging malakas ka di lamang para sa iyong sarili kundi para na rin sa lahat ng naaapektuhan ng problema niyo, dahil saan pa ba sila kukuha ng lakas kung pati ikaw ay suko na. Maging malakas ka hindi lamang sa labas kundi lalong-lalo na sa loob dahil iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi ka dapat umiyak. Paglabas mo sa silid na ito, wala na dapat luhang umaaligid sa iyong mata, sa halip ay kalakasan ng loob ang iyong ipakita."

Yan ang mga katagang iniwan sa akin ng paring nakausap ko kanina noong ako ay nangumpisal.

Matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na malakas ako. Sa tingin ko ay naipapakita ko naman sa karamihan ng mga tao na malakas nga ako, kahit na sa loob-looban ko ay puno ng kahinaan, takot at pangamba. Nagagawa kong ipakita sa lahat na maayos ang lahat kahit na sa katunayan ay kabaliktaran ng lahat ang nangyayari. Kaya kong ipamukha na masaya ako kahit na sa katunayan ay halos mamatay na ako sa loob-loob sa labis na bigat ng aking loob.

Malakas ako, kaya lamanag ay may mga panahong mas nangigibabaw ang kahinaan ng loob ko. At kapag iyon ang nangibabaw, wala na akong ibang magagawa kundi lumuha na lamang.

Bago ako lumabas sa makipot na silid na iyon, pinilit ako ng paring nakausap ko na sabihin kong "Magiging malakas ako." Ayaw niyang sabihin kong "Susubukan ko", ang gusto niya ay "Magiging". Parang noong nakaraang bagong taon lamang ay mayroon akong iblinog na tungkol sa dalawang salitang ito.

Kung yun nga lang ang tanging paraan, sige, magiging malakas ako. Magiging malakas ako di lamang para sa aking sarili kundi para sa aming lahat na apektado sa mga pangyayari. Hindi ko na pangingibabawin ang emosyon ko. Magiging matapang ako.

Magiging malakas ako, sapagkat ginawa akong malakas, at kailangan kong patunayan iyon.

No comments:

Post a Comment