Sunday, January 24, 2010

Ekstrang Hollow Block sa Pader

Para sa dalawang tao na napakahalaga sa akin:

Hindi ko alam kung mababasa niyo ang blog kong ito o hindi, pero sana mabasa niyo dahil sa totoo lang hindi ko kayang sabihin ito sa inyo ng harap-harapan kahit na gaano ko pa man gustong malaman niyo ito. Pareho lang naman ang gusto kong sabihin sa inyong dalawa kaya pag-iisahin ko na kayo sa pagtukoy ko sa inyo. Simulan na natin.

Namimiss na kita, sobra. Hindi mo alam kung gaano kita namimiss. Nangungulila ako sa'yo, hindi ko alam kung ramdam mo iyon. Sinusubukan kong mapalapit muli sa iyo, ang ibalik ang dati, subalit, parang wala namang nangyayari sa bawat kilos na ginagawa ko.

Aminado akong kasalanan ko rin kung bakit nagkaganito ang lahat. Malamang kung hindi ako tinopak at lumayo pansamantala eh medyo nasa katinuan pa ang lahat. Pero sorry, hindi ko lang talaga maiwasan na gawin iyon. Minsan kasi ang paglayo lamang ang paraan ko para umiwas sa hindi ko gusto maramdaman.

Ngayon, nanghihinayang ako. nanghihinayang ako sobra. Nakakapanghinayang ang lahat ng pagbabago. Dati, sobrang malapit ako sa iyo, kaya kong sabihin ang kahit na ano sa iyo, malaya kong naipapakita ang emosyon ko sayo, at kung ano-ano pa. Nakakapanghinayang at nakalulungkot na hindi na katulad ng dati ang ngayon. Nagbago na, nagbago na ang karamihan, kung hindi man ang lahat sa atin.

Sorry kung naging ganito or nagbago man ang pakikitungo ko sa iyo, pero dala lang ito ng paninibago ko rin sa iyo. Hindi na nga talaga tulad ng dati ang mga nangyayari ngayon. Sa katunayan, may mga panahong naiilang na ako sa iyo sa di malamang dahilan. Madalas ay nagdadalawang-isip akong kausapin ka tungkol sa ibang mga bagay na dati'y walang pag-aalinlangan ko namang nasasabi sa iyo. Noon, kahit anong oras o panahon man yan, kukulitin kita kung gusto ko. Pero ngayon, hindi ko na magawa iyon dahil para bang napakalamig na rin ng pakikitungo mo sa akin kaya nahihiya na akong kulitin ka o kausapin ka.

Dati, walang araw ang lilipas na hindi tayo nag-uusap. Mapa-YM man yan, text o kung ano pa mang uri ng kominikasyon, hindi nawawala ang kahit alin man doon. Pero ngayon, wala na. Minsan hindi na nakakapanibago kung isang linggo na ang lumipas na hindi tayo nag-uusap kasi ganun na ang nangyayari madalas.

Namimiss ko ang lahat ng mga ginagawa natin noon ng magkasama, ang walang humpay na kwentuhan, tawanan, kulitan at mga kalokohan. Namimiss kitang kasama, huwag na nating pahabain pa. Namimiss kita. Yun lang.

Ngayon may maliliit lang ako na hakbang na ginagawa upang unti-unti kong maibalik ang dati, kaya lang minsan sumasagi na lang sa isip ko na para bang wala nang nangyayari kahit na anong gawin ko. Ayoko itong mga naiisip ko ngayon pero hindi ko talaga maiwasang maisip ang ganitong mga bagay. Pero kahit na, hindi pa rin ako susuko. Hindi ko man maibalik ang dati eh gusto kong mabago muli ang kasalukuyang kalagayan natin ngayon. Ayoko ng ganito, ayoko. Nasasaktan kasi ako.

Hindi man ako nagpaparamdam madalas sayo dahil sa pagka-ilang o hiya ko sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na makwento at sinasabi ang halos lahat sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na laging nariyan sa tabi mo, nais ko pa ring sabihin sa iyo na nandito lang naman talaga ako, hindi lang halata.

Kung kakailanganin mo ng isang tao na makakausap, makakakulitan, masasabihan ng kahit na ano, subalit wala ang mga taong kadalasang kasama mo o kakwentuhan mo araw-araw, tandaan mo, sa likod nilang lahat, naroon lang ako. Kung wala sila, o kung may isa man sa kanila ang umalis sa kanilang pwesto, sa butas na iiwan nila ay masisilip mo ako. Naroon lang ako sa likuran nilang lahat, tahimik na naghihintay. Kapag may isang nawala sa pwesto o kinalalagyan niya, huwag kang mag-alala, susubukan kong punan iyong butas na iiwan niya.

Nandito lang talaga ako, hindi lang halata. Nasa likuran lang ako ng isang malaking pader na nakapaligid sa iyo. Isa akong bloke ng hollow block na nakasagana sa isang tabi na maaari mong ipalit sa oras na may magibang parte ng pader na nakapaligid sa iyo.

Sa ngayon na matibay pa ang iyong pader, hindi mo muna ako kakailanganin. Doon muna ako sa isang tabi mamamalagi. Okay lang sa akin iyon, matiyaga akong maghihintay sa likod ng pader mo. Masaya ako na masaya ka. Basta, huwag mo sanang kalimutan na sa likod ng napakalaking pader na nakapalibot sa iyo ay isang labis o ekstra na hollow block na magagamit mo sa oras na kailanganin mo. :)




No comments:

Post a Comment