Sawa na ako.
Sawa na akong marinig ang lahat ng iyon ng paulit-ulit. Takpan ko man ang aking mga taenga ay parang wala nang talab ito.
Ayoko na, naririndi na ako sa mga tinig na iyon.
Simula kabataan ko, iyan na ang kinagisnan ko. Ang mga tinig na iyan. Walang tigil na naghihiyawan, nagsasagutan, nagpapataasan, kung hindi man araw-araw ay oras-oras, basta parehong nasa isang lugar ang may-ari ng mga tinig na iyon. Walang tigil, walang preno, magdamag na ganoon.
Nakaririndi na talaga sa taenga.
Mabuti sana kung hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi ng mga tinig na iyon. Mabuti sana kung hindi ako naaapektuhan sa mga tinig na iyon. Mabuti sana kung walang taong nadadamay sa mga usapan ng dalawang tinig na iyon.
"Magkaayos naman sana kayo, o dalawang tinig n'aking naririnig.
Musika ang inyong ihatid, magaganda't masasayang himig.
Mga tao sa paligid niyo'y labis-labis nang natatakot,
Sa hindi magandang kahahantungan na maaaring idulot."
Tuesday, January 5, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment