Thursday, May 21, 2009

Kumawala, Magpakawala at Kalayaan

Heto nanaman ako, binubulabog nanaman ng mga bagay na matagal ko nang natanggal sa aking isipan. Nagbabalik nanaman ang lahat, ang lahat ng mga iyon na nagpapalungkot lamang sa akin sa tuwing aking naiisip.

Nalulungkot nanaman ako dahil sa bagay na iyon.

Muling nagbalik ang pag-asa sa akin, subalit kasama naman noon ay mga pag-aalinlangan, mga tanong na hindi ko mahanapan ng kasagutan, mga alaala na hindi ko alam kung mas magbibigay saya sa akin o kalungkutan.

Hindi ko na sana naalala iyon muli. Kung kailan natututo na akong kumawala at magpakawala, tsaka ko naalala ang lahat ng mga bagay na ayoko na sanang maalala. Ngayon, maguumpisa muli ako sa pinakasimula.

Susubukan ko muli na unti-unting kumawala at magpakawala.

Hindi ko alam kung ang kumawala at magpakawala ang aayos sa problema ko ngayon, pero sa ngayon, wala akong ibang maisip na paraan kundi iyon at isa pa. Para naman din iyon sa ikabubuti ko, niya, at ng lahat.

Ano nga ba ang isa ko pang paraan na naiisip? Ang magsalita. Oo, magsalita. Hindi ko alam kung sa paraang iyon ay maaayos namin ang lahat, sapagkat hindi ko rin alam kung ang pagsasalita o pakikipag-usap ko sa kanya ay magbubunga ng maganda o ikalulungkot ko lamang.

Parehong mahirap gawin ang mga naisip kong paraan. Hindi ko tuloy alam kung gagawin ko pa nga ba itong mga ito. Bahala na siguro muna sa ngayon. Tsaka ko na ito poproblemahin kapag hindi na ako abala sa pag-aaral.

Kaya lang.. HAAAAAAY.. Nakapanghihinayang lang talaga. Nanghihinayang ako sa LAHAT. :(

Sana hindi na lamang nangyari lahat ng iyon, sana wala na lamang akong nakita, wala na lang sana siyang nakita, wala na lang sana akong nabasa, wala na lang sana siyang nabasa, wala na sana siyang nalaman, wala na sana akong nalaman, WALA NA LANG SANANG NANGYARI! Kung wala lahat ng iyon, hindi mangyayari ang lahat ng ito!

Masaya sana kami ngayon. Masayang magkasama at nagkukulitan araw-araw, nagkakwentuhan gabi-gabi, nagpapasahan ng ngiti sa tuwing kami ay nagkikita at higit sa lahat.. malayang nagpapakatotoo sa aming mga sarili, sa isa't isa at sa harap ng ibang tao.

Saturday, May 16, 2009

Sandaling Nakalimot

Muli akong nakalimot. Nakalimot ng halos isang buong araw.

Nagawa kong kalimutan ang lahat-lahat kahit sandali lamang. Nagawa kong kalimutan ang mga bagay-bagay na halos isang buwan nang bumabagabag sa akin at halos walang tigil na gumugulo sa aking isipan.

Inilaan ko lamang ang atensyon ko sa kung anu-anong bagay at hayun, nakalimot ako saglit.

Subalit ngayon, heto nanaman. Nagbabalik nanaman ang lahat ng lungkot sa akin. Unti-unting naaalala ang lahat ng mga nangyayari, humaharap sa akin ang realidad na pilit kong iniiwasan at tinatalikuran.

Kailangan kong makalimot muli, kahit sandali lang.

At kung pwede ay, manatili na lamang ako ganoon, huwag na sanang bumalik sa aking isipan ang mga bagay na nais kong kalimutan. Nais ko na lamang ibaon sa limot ang lahat nang iyon, ayoko na sanang maalala pa.

Subalit imposible, dahil si tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan para hindi ako makalimot. Si tadhana mismo ang kumakalaban sa akin at kinakalaban ko.

Friday, May 15, 2009

Pananadya

Nananadya ba ang kapalaran?
-------------------------------------------------------------------------------------------------

Klase sa Lit:

Ako si Helena. Ang babaeng naghahabol kay Demetrius. Ang babaeng handang iwan ang lahat para sa pagmamahal ni Demetrius. Ako si Helena na patuloy na umaasa sa pagmamahal at pangakong binitawan sa akin ni Demetrius. Patuloy akong umaasa na balang araw ay makukuha ko ang pagmamahal ni Demetrius, na matagal na niyang ibinigay kay Hermia, na aking kaibigan.

Pero hindi ako si Helena sa tunay na buhay. Ako lamang si Turo. Pero ano ang mga pagkakatulad namin ni Helena? Marami, hindi ko na kailangang isa-isahin pa. Si Turo ay parang ibang bersiyon lamang ni Helena sa tunay na buhay. At hindi tulad sa mundo ng dula at drama, ang mga nararanasan ni Turo sa buhay ay tunay lahat, samantalang ang kay Helena ay panay mga pagkukunwari lamang at walang katohanan.

Propesor sa Lit:

Habang pinag-uusapan ang isang parte ng dulang tinatalakay nila sa klase, napatingin ang propesor ni Turo sa kanya at siya ay tinanong:

"Turo, do you have a dream date? Or, do you have a dream guy?"

Hindi nakasagot si Turo. Umiling-iling na lang siya, tsaka napaisip ng kung ano-ano. Nawala na ang atensyon niya sa klase, napunta na sa ibang bagay..

Talakayan ng dula:

"Love makes you irrational, illogical, senseless, crazy.. and the list goes on.."

"The course of true love never did run smooth.."

"Were the world mine, Demetrius being bated, the rest I'd give to you translated."

"Things base and vile, holding no quantity, Love can transpose to form and dignity. Love looks not with the eyes but with the mind; and therefore is winged Cupid painted blind. Nor hath Love's mind of any judgement taste. Wings, and no eyes, figure unheedy haste. And therefore is Love said to be a child because in choice he is so oft beguiled. As waggish boys in game themselves forswear, so the boy Love is perjured everywhere."

- ilan lang sa mga nagustuhan kong linya sa dula na tinalakay namin kanina.

Mga litratong nakalulungkot tignan:

Mga litratong hindi ko inaasahang makita.. mga litratong hindi ko ginustong makita lalo na ngayon. Hindi ko na rapat tinignan ang album na iyon. Nalungkot lang ako. Naalala ko ang lahat ng sinabi sa akin ng isa kong kaibigan.. mga salita o bagay na pilit kong tinatanggal sa aking isipan dahil ayoko naman malaman o marinig ang mga salita o bagay na iyon sa unang lugar pa lamang.

Marahil ay wala namang ibig sabihin ang mga litratong iyon, pero, hindi ko maiwasang mapaisip ng kung ano-ano. Alam kong wala akong karapatang sabihin at maramdaman ang lahat ng ito, subalit.. subalit.. subalit... hindi ko lang talaga mapigilan ang aking sarili.


-------------------------------------------------------------------------------------------------

Marami pang nangyari ngayong araw na ito na muling nagpaalala sakin ng lahat-lahat. Mula pagpasok ko sa eskuwelahan, hanggang ngayon, bago ako matulog. Parang nananadya na si tadhana. Ewan ko na, hindi ko na alam. Kailangan ko na nga bang ituring na senyales ang lahat ng ito?! Kaya ba ako kinukulit ni tadhana ng ganito ay dahil kahit na napakarami na niyang ibinigay na senyales, ayoko pa rin kumilos dahil mas nangingibabaw ang takot sa akin at pilit na nagbubulag-bulagan sa lahat ng senyales na iyon?

Ngunit... paano nga ako kikilos? Gustuhin ko man kumilos.. Hindi pa ako handa.. at hindi ko alam kung kailan ako magiging handa para maunang kumilos..

Thursday, May 14, 2009

Senyales at Pag-asa

Iyon na nga ba iyon?

Iyon na nga ba ang matagal ko nang hinihintay na senyales upang ako na mismo ang maunang kumilos at mag-ayos ng lahat? Panahon na nga ba para magkalinawan na at malaman ang mga kasagutan sa bawat tanong na naglalaro sa aking isipan?

Hindi ko alam kung maniniwala ba ako na ang pangyayaring iyon ay kailangan kong ituring na senyas upang kumilos na nga ako. Hindi ko pa rin alam kung tama ang naiisip kong gawin. Hindi ko alam kung ang gagawin ko ay magbubunga ng maganda o kaya naman ay magiging ugat nanaman ng aking kalungkutan.

HINDI KO ALAM.

Hindi ko alam kung gagawin ko pa nga ba iyon, o pababayaan na lamang na ganito ang lahat. Subalit, nahihirapan na ako. Nahihirapan ako sa ganitong lagay namin ngayon. Mabigat, napakabigat. Oo, nasasanay na ako. May mga oras na nawawala sa isipan ko iyon, subalit sa tuwing may makikita akong mga bagay na may kinalaman doon, mapapaisip muli ako at malulungkot.

Ayoko na. Suko na ako. Hindi ko na talaga alam kung anong dapat kong gawin ngayon. Natatakot talaga ako, natatakot ako sa mga pwedeng mangyari, sa mga magiging epekto nito, sa mga magiging reaksyon ng mga tao, natatakot ako para sa amin.

Sana, ikaw na lang ang mauna.

Nararamdaman kong pareho lang tayong naghihintayan ngayon, parehong hindi alam ang gagawin at sasabihin. *buntong-hininga*

Nangingibabaw ang takot sa akin ngayon. Sa lagay na ito, hindi ko magagawang manguna.

Patuloy akong umaasa sa iyo. At umaasa rin akong maaayos at maibabalik natin sa dati ang lahat, lalong-lalo na ang ating samahan.

Wednesday, May 6, 2009

Mga Hindi Inaasahang Pangyayari

Nakakaasar.

Pilit mo ngang tinatanggal sa isip mo ang lahat ng mga pangyayari o bagay na nagpapaalala sa iyo ng isang problemang nais mong kalimutan kahit saglit lamang, subalit ang tadhana naman ang kusang kikilos para sa iyo. Ang tadhana ang gagawa ng paraan upang ipaalala sa iyo ang lahat, upang ipakita sa iyo na mayroong maling nangyayari, at hindi mo matatakasan ang lahat ng dinaramdam mo ng basta-basta lamang.

Ipaaalala't ipaaalala sa iyo ng tadhana ang lahat ng bagay na pilit mong kinalilimutan sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay, lugar o kahit na tao na magpapaalala sa iyo ng iyong problema na pilit mong tinatakasan.

Talaga namaaaaaaan.

Nailayo ko na nga ang pag-iisip ko sa bagay na iyon eh. Pero dahil sa 5 beses na pagpaparamdam ng tadhana sa akin ngayong araw na ito, ngayon, napakagulo nanaman ng isip ko, at nalulungkot ulit ako.

Natanggal na ang maskarang ilang linggo nang nakapatong sa aking mukha.

Ibabalik kong muli ang maskara sa aking mukha. Ipapatong ko ito muli, at itatago sa lahat ng tao ang nararamdaman kong kalungkutan. Hindi ko na ito tatanggalin pa.

Hindi pa habang kaya ko pang magpanggap at magtago ng tunay kong nararamdaman sa harap ng lahat ng tao.

Tuesday, May 5, 2009

Maskara

Natuto na rin ako, sa wakas.

Natuto na rin akong magtago ng lungkot.

Kaya ko nang magpanggap na masaya ako kahit na hindi naman. Kaya ko nang ngumiti kahit na wala naman na akong kailangang ikatuwa. Kayang-kaya ko nang ipakita sa mga tao na maayos ang lahat sa aking buhay kahit na sa katunayan ay hindi talaga.

Noon, kapag malungkot ako, mababasa mo iyon kaagad sa aking mukha. Mapapansin mo iyon sa bawat ikinikilos ko, mararamdaman mo ang kalungkutang nakabalot sa akin. Pero ngayon, hindi na.

Marunong na akong magpanggap.

Siguro ay sanayan nga lang iyon. Sanayan lang ang malungkot. Habang tumatagal ang pagkaramdam mo ng lungkot, nasasanay ka. Hanggang sa ang lungkot na nararamdaman mo ay unti-unti nang nagiging parte ng buhay mo. Na parang wala na lamang iyon, hindi na bago sa iyo.

Maaari ring..

...nagsasawa lang ang "Lungkot" na palungkutin ang isang tao. Mismong ang "Lungkot" ang nagtatago sa kaniyang sarili.. at gumagawa siya ng Maskara na ipapatong niya sa buong pagkatao ng taong pinalulungkot niya. Ang maskarang iyon na nakikita ng buong mundo ay laging nakangiti, tumatawa, humahalaklak; lahat na ng kasingkahulugan ng salitang MASAYA. Ngunit sa likuran ng maskarang iyon.. isang hindi na maipintang mukha ang nagkukubli.

Nakamaskara lamang ako, yun ang hindi alam ng maraming tao.

Ayoko na magpakita ng kahit na anong bahid ng kalungkutan. Bukod sa sawang-sawa na ako, sa tingin ko sawa na rin ang mga tao sa paligid ko na makita akong malungkot. Ha-ha-ha-ha-ha.

Pansamantala lang kaya ang maskarang nasa mukha ko ngayon? Hanggang kailan kaya nito matatakpan ang lahat ng kalungkutang pilit kong itinatago? Hanggang kailan kaya ang itatagal ng bisa nito? Hanggang kailan? Ngunit ang pinakamahalagang tanong sa lahat..

Hanggang kailan ko kaya kakayanin na itago sa buong mundo ang lahat ng kalungkutang nararamdaman ko?