Tuesday, May 5, 2009

Maskara

Natuto na rin ako, sa wakas.

Natuto na rin akong magtago ng lungkot.

Kaya ko nang magpanggap na masaya ako kahit na hindi naman. Kaya ko nang ngumiti kahit na wala naman na akong kailangang ikatuwa. Kayang-kaya ko nang ipakita sa mga tao na maayos ang lahat sa aking buhay kahit na sa katunayan ay hindi talaga.

Noon, kapag malungkot ako, mababasa mo iyon kaagad sa aking mukha. Mapapansin mo iyon sa bawat ikinikilos ko, mararamdaman mo ang kalungkutang nakabalot sa akin. Pero ngayon, hindi na.

Marunong na akong magpanggap.

Siguro ay sanayan nga lang iyon. Sanayan lang ang malungkot. Habang tumatagal ang pagkaramdam mo ng lungkot, nasasanay ka. Hanggang sa ang lungkot na nararamdaman mo ay unti-unti nang nagiging parte ng buhay mo. Na parang wala na lamang iyon, hindi na bago sa iyo.

Maaari ring..

...nagsasawa lang ang "Lungkot" na palungkutin ang isang tao. Mismong ang "Lungkot" ang nagtatago sa kaniyang sarili.. at gumagawa siya ng Maskara na ipapatong niya sa buong pagkatao ng taong pinalulungkot niya. Ang maskarang iyon na nakikita ng buong mundo ay laging nakangiti, tumatawa, humahalaklak; lahat na ng kasingkahulugan ng salitang MASAYA. Ngunit sa likuran ng maskarang iyon.. isang hindi na maipintang mukha ang nagkukubli.

Nakamaskara lamang ako, yun ang hindi alam ng maraming tao.

Ayoko na magpakita ng kahit na anong bahid ng kalungkutan. Bukod sa sawang-sawa na ako, sa tingin ko sawa na rin ang mga tao sa paligid ko na makita akong malungkot. Ha-ha-ha-ha-ha.

Pansamantala lang kaya ang maskarang nasa mukha ko ngayon? Hanggang kailan kaya nito matatakpan ang lahat ng kalungkutang pilit kong itinatago? Hanggang kailan kaya ang itatagal ng bisa nito? Hanggang kailan? Ngunit ang pinakamahalagang tanong sa lahat..

Hanggang kailan ko kaya kakayanin na itago sa buong mundo ang lahat ng kalungkutang nararamdaman ko?

No comments:

Post a Comment