Friday, December 3, 2010

Kapakanan ng Ibang Tao Kapalit ng Iyong Kaligayahan

Kung ikaw ay papipiliin, anong mas pipiliin mo?

Ang kasiyahan mo, o ang kapakanan ng ibang tao?

Kapag pinili mo ang kasiyahan mo, lumalabas na isa kang makasariling tao. Sarili mo lang ang iniisip mo at wala kang pakialam sa iba. Parang iiwan mo na lamang sila sa ere para lang makuha mo ang gusto mo. Masaya ka nga, pero dadalhin naman ng konsensiya mo ang pagpili mo sa kasiyahan mo kaysa sa ibang tao.

Kapag pinili mo ang kapakanan ng ibang tao, para kang nagpapakamartyr. Uunahin mo ang iba kaysa sa kagustuhan mo talaga? Kahit na sa isip at puso mo'y hindi mo talaga tanggap ang iyong ginagawa? Hindi mo lamang niloloko ang sarili mo, kundi pati ang ibang tao.

Kung ganito ang kahahantungan ng dalawang pagpipilian, anong pipiliin mo? O, may pipiliin ka pa ba sa dalawa kung alam mo namang parehong negatibo ang kahahantungan nila?

Kung konsensiya lang naman ang basehan ng iyong desisyon, mabuting huwag mo na lang pairalin ang iyong konsensiya, ayon sa Pilosopiya. Bakit? Kasi, ang pagdedesisyon na dala ng konsensiya ay may kaakibat na pagpapasa ng surot ng dibdib. Bakit ka nga ba nakokonsensiya? Hindi ba dahil iyon sa surot ng iyong dibdib? Kapag nagdesisyon ka dahil sa pagkakonsensiya mo, ang surot ng iyong dibdib ay maipapasa sa ibang tao. Matatanggal nga ang surot sa iyong dibdib, pero ibang tao naman ang magdadala nito. Gugustuhin mo ba iyon?

Kahit anong piliin mo, wala pa ring magandang maidudulot ang pareho. Ang batayan na lamang ngayon ay, piliin ang kung anong mas maraming magandang maidudulot, labag man o hindi ito sa loob mo.


Tuesday, November 16, 2010

Magulo

Kay tagal na rin pala nung huling nakapaglabas ako ng mga hinaing ko sa blog na ito. At ngayon, sa tingin ko, mas mangingibabaw ang mga hindi magagandang hinaing ko kaysa sa mga masasayang pangyayari sa buhay ko.

Magulo, yan ang tamang salita para ilarawan ang lahat ng nangyayari ngayon. Hindi ko alam kung anong meron sa buwan ng nobyembre, pero lagi na lang, taon-taon, tuwing buwan na ito lumalabas lahat ng problema ko sabay sabay. :|

Wala talaga akong gustong pag-usapan ngayon, o, wala akong gustong ilantad sa lahat ng iniisip ko. Itatago ko na lamang ang lahat hanggat kaya ko. Mananahimik muna ako at lalayo.

Thursday, June 3, 2010

Bitiw

Dati, normal lang tayong magkakilala. Bihira magkita, bihira mag-usap.
Mag-uusap kung may kailangan ang isa sa isa, o kung may sasabihin na mahalaga.
Ganoon lang tayo noon, parang wala lang. Trabaho lang ang nagdurugtong sating dalawa.
Hindi magkaibigan, hindi malapit sa isa't isa, simpleng magkakilala lamang.
Subalit sinong mag-aakala na sa loob lamang ng isang araw ay magbabago ang tingin ko sa iyo?

Isang araw lang, isang gawi, isang tingin. Iisa lamang.
Nakabitiw ako ng tuluyan sa mahigpit kong pagkakakapit sa isang bato sa gilid ng malalim na bangin.
Napakalalim ng bangin, at patuloy akong nahuhulog. Palalim ng palalim.

Napakabilis ng mga pangyayari.
Napakabilis din ng aking pagbitiw.
Napakabilis ng aking pagkahulog.

Ngayong ako'y tuluyan nang nahulog sa bangin na iniiwasan ko, hindi ko na naman alam ang aking gagawin.
Parang kailan lamang nang huli kong maramdaman ang pakiramdam na ito.
Ngunit sa ngayon, ang masasabi ko lamang ay:

Masaya ako sa nangyaring ito.
Kahit di pa tayo ganoon kalapit sa isa't isa, mayroon tayong isang buong taon para magawa iyon.
Kaya lamang, isang taon na lamang tayo magkakasama, sayang.
Pero wala akong pakialam ngayon sa oras at panahon.
Basta, masaya lang talaga ako na naging parte ka na ng buhay ko.
Makatutulong ka sa akin upang tuluyan ko nang malimutan ang nakaraan.




Friday, May 21, 2010

Bakit Ako Nasasaktan?

Bakit ako nasasaktan ngayon, kung matagal ko nang naisapuso na wala na akong pagtingin sa iyo?
Bakit ako nasasaktan ngayon, kung matagal ko nang itinaga sa bato na wala na akong nararamdaman para sa iyo?
Bakit ako nasasaktan ngayon, ngayong matagal na kitang tinanggalan ng puwang sa puso ko?

Hindi ko maintindihaaaaaan.

Okay na ako. Okay na okay na. Oo nagkikita tayo paminsan-minsan, nagkakausap at nagkakatext minsan. Pero wala na lang iyong lahat para sa akin. Tuloy-tuloy lang ang buhay habang paunti-unting nagmomove on. Magkaibigan kung magkaibigan, hanggang doon lamang.

Kung ganoon, bakit ganito ang nararamdaman ko ngayon? Nakita lang kita.. na may kasamang iba.. hindi ko na naman maipaliwanag ang nararamdaman ko.

Sigh. Magbibilang na lamang muli ako ng ilang araw/linggo/buwan.

Wednesday, April 21, 2010

Kasalanan ko nga ba ang lahat?

Yan ang isa sa mga napakalaking tanong na bumabagabag sa akin simula nang magsulputan ang mga problema ko sa isang aspeto ng aking buhay.

Sabi ko noon sa isa kong kaibigan, "Hindi, hindi sa aking kamay at sa napakaiksing termino ko tayo babagsak. AYOKO. Hindi mangyayari iyon."

Bago ko pa man paunlakan ang isang napakalaking pabor sa akin na pinag-isipan ko ng kalahating taon, naisip ko na lahat ng pwedeng mangyari kung sakali mang um-OO ako sa pabor na iyon. Naisip ko lahat ng maganda at pangit na maaari ngang mangyari. Di ko akalain na sa lahat ng pwedeng mangyari ay yung pangit pa talaga ang lalamang.

Hindi ko ginustong mangyari ito, hindi talaga. Hindi ko gusto lahat ng nangyayari ngayon.

Ngayong nangyari na lahat ng masamang pwedeng mangyari, ito ang tanong ko:

"Kasalanan ko nga ba ang lahat ng ito?"

Pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na hindi, hindi ko kasalanan ang lahat ng ito. Kung tutuusin ay wala naman akong ginawa kundi gawin lamang ang aking trabaho ng maayos. Pero, may malaking parte sakin ang nagsasabing oo, kasalanan ko nga ang lahat ng ito.

Bakit ko nasabi iyon? Kasi sa isip ko, hindi sana mangyayari ang lahat ng ito kung pinagsabihan ko ang iba. Hindi sana mangyayari ang lahat ng ito kung gumawa ako ng hakbang bago pa man lumaki ang problema. Wala sana kaming problema ngayon kung hindi ko pinabayaang humantong sa ganito ang mga bagay-bagay.

Ito na marahil ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko sa aking organisasyon.

Hindi ko ginustong mangyari ang lahat ng ito.

Patawad sa inyo. Patawad kung binigo ko man kayo.

Monday, April 19, 2010

Magulong Pag-iisip

Napakagulo pa rin ng aking pag-iisip. Halo-halo ang aking mga emosyon, mga emosyong pilit ko na lang itinatago dahil ayoko nang may ibang mga makaalam at mangamba sa akin. Madalas ay hindi ko na lang pinapansin ang mga bagay-bagay. Madalas kasi ay naiisip ko na baka nagiging kumplikado lang ang mga ito lalo dahil sa sobrang pag-iisip ko. Dagdag pa rito ay sa sobrang kaiisip ko, lalo lang akong nalulungkot.

Madalas pakiramdam ko'y wala pa rin sa ayos ang lahat. Samu't saring solusyon na ang iniisip ko para sa mga bagay-bagay subalit minsan ang mga solusyong iyon ay mahirap abutin, kung hindi imposible, at nangangailangan ng malaking sakripisyo.

Sa sobrang gulo ng pag-iisip ko ngayon, hindi ko na malaman kung ano ba talaga ang gusto kong ilagay sa blog na ito. Basta gusto ko lang ilabas ang mga hinaing at nararamdaman ko.

May mga oras na naiisip kong para namang nasa ayos ang lahat. Subalit, pagdaan ng ilang minuto muling sasagi sa isip ko na hindi pa rin pala. Laging ganoon ang takbo ng isip ko ngayon. Nalilito ako. Kasabay nito ang pabago-bagong takbo rin ng aking mga emosyon. Sasaya ako saglit, at muling malulungkot sa huli. Paulit-ulit-ulit-ulit....

Hindi ko na alam kung anong iisipin ko pa. Tulad nga ng sabi ko kanina, lalo lamang akong nalulungkot sa tuwing iniisip ko ang mga bagay-bagay. Kaya naman, kung ano-ano na lamang ang ginagawa ko upang ibaling ang atensyon ko sa ibang bagay. Pero alam kong niloloko ko lamang ang sarili ko sa ginagawa kong ito.

Gusto ko na lang takbuhan at iwan ang lahat sa ngayon. Pero paano ko nga naman gagawin iyon ng hindi malulungkot sa huli?

Wednesday, March 17, 2010

Babalik-Balikan at Hahanap-hanapin


Kahit anong gawin ko, sa huli,
ikaw pa rin pala ang babalik-balikan at hahanap-hanapin ko.
Parang lagi na lang may kulang sa akin ngayon.
Masasabi ko na ikaw nga iyon, wala nang iba.
Oo, kaya ko nang tiisin ang mga araw na hindi kita nakakausap o nakikita.
Pero sa loob-loob ko, nagpapanggap lang talaga ako.
Nagpapanggap na walang pakialam,
kunwari hindi apektado sa mga nangyayari.
Minsan hindi ko na napapansin na nagpapanggap na lang nga ako.
Sanayan lang naman kasi iyan.
Pero may mga araw na bigla ka na lang sasagi sa isip ko,
at malulungkot na naman ako.
Ayoko ang mga araw na iyon.
Tulad ngayong araw na ito.
Haaaaaaaaaay.

Monday, March 8, 2010

Ayokong Magpaalam

O kay bilis nga naman ng takbo ng panahon.

Parang kelan lang eh wala akong pakialam sa mga bagay-bagay..

Ngayon, heto na ako, naghahanda nang sambitin ang pinakamasakit na salita sa lahat..

"PAALAM"

Kung titignan mo'y para bang napakahaba ng isang taon. Napakaraming maaaring mangyari sa panahong iyon, maganda man o pangit. Kaya lang, madalas ay hindi mo talaga mapapansin ang pagdaloy ng panahon. Pakiramdam mo eh napakarami pang oras kaya hindi mo maiwasan na sayangin ang mga oras na iyon sa mga walang kwentang bagay.

May mga tao kang hindi na napapahalagahan ng katulad ng dati, hindi mo mapagtutuunan ng pansin masyado dahil sa pagiging abala mo sa ibang mga bagay, may mga bagay o pangyayari na hindi mo inaasahang mangyayari at makakaapekto sa mga bagay-bagay.

Maraming panahon ang nasayang, at patuloy pa ring nasasayang.

Kapag malapit na ang pinakahihintay na "oras" o pangyayaring iyon, saka mo lang mapapansin ang lahat ng oras na sinayang mo.

Nasa huli nga naman talaga ang pagsisisi.

Bilang na bilang na ang mga araw, oras, minuto, bilang na bawat segundo. Bilang na ang mga huling sandali na magkakasama tayo.

Pero anong ginagawa ko? WALA. Wala dahil hindi ko alam ang aking gagawin, wala akong magawa dahil hindi ako handa.

Hindi pa ako handa magpaalam.

Hindi pa ako handa kaya hindi ko muna sasambitin ang katagang iyon.

Thursday, February 18, 2010

Saglit na Dumaan

Bakit ganon?

Kung kelan tayo naging malapit sa isa't isa, kung kelan madalas na tayong nagkakasama, kung kelan natutuwa na akong kasama ka/kayo at hindi na ako nahihiyang tumambay at makipagkwentuhan kasama niyo, saka ka naman aalis.

Kung kelan kumportable na ako sayo at masasabi kong isa ka na sa mga taong gustong-gusto ko talagang nakakasama, kung kelan madalas na tayong lumalabas, saka ka naman gagraduate.

Alam mo iyon? Kung kelan halos huli na at patapos na ang lahat, saka nangyayari ang lahat ng mga ikinatutuwa kong mga pangyayari ngayon.

Para bang.. kung kelan paalis ka na, eh saka ka pa dumating sa buhay ko.

Hay, marahil isa ka sa mga tao sa buhay ko na dadaan lamang saglit para siguro bigyan ako ng leksyon, panandaliang kaligayahan at mga alaala na masasabi kong habambuhay kong maaalala.

Sayang. Kung marami pa sanang natitirang oras, marami pa tayong mapagdadaanan, marami pa tayong magagawa, madaragdagan pa sana ang mga masasayang alaala ko na kasama ka/kayo. Pero, alam kong wala akong magagawa. Aalis ka, gagraduate ka/kayo. Hindi ko alam kung magkikita pa tayo o hindi na.

Ang masasabi ko na lang ngayon, masaya ako na naging malapit ako sayo at nagkasama tayo kahit na sa loob lamang ng sobrang ikling panahon. Salamat sa mga aral at alaalang iniwan mo sa akin. Lagi kong maaalala na minsan sa buhay ko ay may isang 'Kyther' na naging malapit sa akin at naging simula at dahilan upang mahalin ko ng sobra-sobra ang Kythe.

Wednesday, February 10, 2010

Takot Maging Masaya

Nitong mga nagdaang mga araw, labis-labis ang kaligayahan ko. Para bang nasa katinuan halos lahat ng bagay nitong mga nagdaang araw. Pamilya, ibang acads, social life, org life at kung ano-ano pa. Labis-labis din ang pagod ko nitong mga nakaraang araw pero di ko alintana yun dahil masaya naman ako.

Natutuwa ako sa mga nangyayari. Napakaraming mga pangyayari na di ko inaasahang mangyayari ang nangyari sa loob lamang ng maikling panahon. Di talaga sumagi sa isip ko na mangyayari ang mga iyon kaya masaya talaga ako.

Kaya lang, natatakot na ako ngayon. Madalas kasi pagkatapos ko makaramdam ng labis na kasiyahan ay susundan iyon ng labis na kalungkutan.

Huwag naman sana. Ayoko.

Pero bahala na muna. Kung mangyayari ang isang bagay eh di mangyari lang iyon. Wala naman akong magagawa hindi ba? Pero sana lang hindi ko na ikalungkot ang mga susunod na mga pangyayari.

Saturday, February 6, 2010

Confucianism VS Taoism

Sabi sa Confucianism, dapat gawin mo ang lahat para maibalik ang ayos ng mga bagay-bagay. Dapat magawa mong perpekto ang lahat pagkat kaya namang gawing perpekto nga ang lahat, kailangan mo lang magtiyaga at paghirapan iyon. Sabi nagkakaroon ng gulo dahil hindi magawang intindihin ng tao ang realidad, na siyang susi upang maibalik sa kaayusan ang lahat. Kailangan mong pasayahin ang mga tao, isipin mo lamang ang kaligayahan nila at hindi ang iyo.

Sabi naman sa Taoism, ang labis na pag-iisip ang dahilan kung bakit napakarami nating problema. Ang labis na pangingialam ng tao sa mga bagay-bagay ay lalo lang nagpapakumplikado sa mga problema. Kung gagawin nating simple ang pagtingin sa mga bagay-bagay eh maiiwasan natin ang problema. Di dapat natin pinakikialaman ang 'Nature' sapagkat kahit na anong mangyari, kapag ang isang pangyayari ay talagang nakatadhanang mangyayari eh wala tayong magagawa. Kahit anong gawin mo mangyayari iyon sa ayaw at sa gusto mo. Wala kang kailangang gawin, iyon ang solusyon sa lahat. Wu wei, iyon yon. Walang gagawin.

Ano kayang mas paniniwalaan ko?

Sa ngayon, sumusunod ako sa paniniwala ng Taoism dahil pagod na ako sa kasusunod sa Confucianism. Mukhang nagkakaroon naman ng magandang epekto ang Taoism...

Monday, February 1, 2010

Lamat sa Bakal

Napakabigat ng kalooban ko ngayon.

Pakiramdam ko ay napakalaki ng kasalanang nagawa ko. Hay.

Sana hindi ko na lamang iyon ginawa. Sana nanatili na lamang akong ganito, hindi ko dapat pinairal ang aking emosyon. Marahil, kung hindi nangyari iyon ay medyo nasa katinuan pa ang lahat.

Nagkamali ako, inaamin ko, Hay, kasalanan ko ang lahat ng ito.

Kailangan kong hanapan ng solusyon ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko ngayon.

Kailangan kong burahin ang lamat na nabuo sa isang matibay na bakal. Subalit, alam nating lahat, kahit na mabura ang lamat na iyon, nariyan pa rin ang marka na maiiwan nito, at walang ibang paraan upang tanggalin ang markang iyon na habambuhay nang mananatili roon.

Sunday, January 31, 2010

Tupang Naliligaw

Hindi ko alam ang aking gagawin. Hindi ko alam kung anong susunod na hakbang ang aking gagawin, kung kailan ko gagawin ang hakbang na iyon at kung gagawin ko nga ba ang hakbang na iyon na hindi ko naman alam kung ano nga ba ang hakbang na iyon (Ano raw?!).

Naguguluhan na ako. Para akong isang tupang naliligaw; hindi ko makita ang gumagabay sa akin. Hindi ko makita ang aking mga kasama. Hindi ko alam kung saan na ako patungo dahil wala nang tagabigay ng direksiyon sa akin.

Tulad ng isang naliligaw na tupa, ako ay nag-iisa.

Ano bang nararapat kong gawin sa ganitong sitwasiyon? Gulong-gulo na ako. Kung ano-anong mapagkakaabalahan na lamang ang aking ginagawa upang ilayo ang pag-iisip ko sa kung ano-anong mga bagay na ayaw kong isipin. Pero alam kong walang mangyayari kung patuloy ko lang tatakbuhan ang pinoproblema ko ngayon. Kailangan kong kumilos, kailangan.

Kaya lang, natatakot akong kumilos. Natatakot ako sa muling kahahantungan ng mga bagay-bagay. Natatakot ako na muling magkamali sa pagdedesisiyon.

Parang isang naliligaw na tupa, hindi ko mawari kung anong daan ang tatahakin ko, at natatakot akong dumaan sa isang daanan sa kadahilanang baka mas lalo lamang akong mawala at mapalayo sa aking mga dating kasama kung doon ako dumaan.

Paano ba ito? Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.

Sana, tulad ng ibang mga tupang naliligaw, makabalik din ako sa dati kong pinanggalingan. Mahanap ko sana ang mga taong gumagabay sa akin at ang mga dati ko ring kasamahan. Sana ang tamang daan ang tahakin ko at hindi na muli sana ako mauwi sa isang maling desisiyon na pagsisisihan ko nang labis-labis sa bandang huli.

Friday, January 29, 2010

Daig pa ang Hangin (Part 2)

Heto na naman ako.

Pakiramdam ko ay mistula hangin na naman ako.

Ano bang pagkakatulad namin ng hangin?

Ang hangin, hindi nakikita. Parang ako, pakiramdam ko ay walang nakakakita sa akin.
Ang hangin, madalas hindi pinapansin. Parang ako, wala lang kung nariyan ako.


Pero ano ang pinagkaiba namin ng hangin?

Ang hangin, mahalaga sa bawat tao para mabuhay. Ako? Ano ba ako sa buhay ng mga tao?!?!
Ang hangin, kahit di mo nakikita, nararamdaman mo. Ako? Wala lang. Wala lang ako.

Naalala ko ang isang linya sa isang palabas na napanood ko. Sinabi ito ng isang babae sa lalaking dati niyang minamahal.

"Ang hangin, hindi na binabalikan ang kaniyang mga iniwan."

Hindi ako naniniwala run. Bakit, hindi ba't kapag mahangin, paulit-ulit mo iyon mararamdaman? Bakit, ilang hangin ba meron rito sa mundo? Iisa lang, walang lumalabas na hangin sa mundo. Iisang hangin lang nilalanghap nating lahat, nagsiswimming lang tayo sa isang malaking pool ng hangin sa lupa.

Tulad ng hangin, patuloy lang akong iikot-ikot sa paligid. Aaligid-aligid sa tabi-tabi kahit na wala namang nakakapansin. Pero kung totoo man ang sinabi ng babae sa palabas tungkol sa pang-iiwan ng hangin at di pagbalik, ako iba. Hindi ako mang-iiwan at babalik-balikan ko ang aking mga dinaanan. Pero, sa aking pagbalik o muling pagdaan, mahina nang hangin ang dala ko. Mahirap nang mapansin o maramdaman. Bakit? Kasi napapagod din naman pati ang hangin. At isa pa, gusto kong malaman kung sino ang mga taong makakapansin sa akin kahit na gaano pa man kahina ang hanging dala ko.

Sunday, January 24, 2010

Ekstrang Hollow Block sa Pader

Para sa dalawang tao na napakahalaga sa akin:

Hindi ko alam kung mababasa niyo ang blog kong ito o hindi, pero sana mabasa niyo dahil sa totoo lang hindi ko kayang sabihin ito sa inyo ng harap-harapan kahit na gaano ko pa man gustong malaman niyo ito. Pareho lang naman ang gusto kong sabihin sa inyong dalawa kaya pag-iisahin ko na kayo sa pagtukoy ko sa inyo. Simulan na natin.

Namimiss na kita, sobra. Hindi mo alam kung gaano kita namimiss. Nangungulila ako sa'yo, hindi ko alam kung ramdam mo iyon. Sinusubukan kong mapalapit muli sa iyo, ang ibalik ang dati, subalit, parang wala namang nangyayari sa bawat kilos na ginagawa ko.

Aminado akong kasalanan ko rin kung bakit nagkaganito ang lahat. Malamang kung hindi ako tinopak at lumayo pansamantala eh medyo nasa katinuan pa ang lahat. Pero sorry, hindi ko lang talaga maiwasan na gawin iyon. Minsan kasi ang paglayo lamang ang paraan ko para umiwas sa hindi ko gusto maramdaman.

Ngayon, nanghihinayang ako. nanghihinayang ako sobra. Nakakapanghinayang ang lahat ng pagbabago. Dati, sobrang malapit ako sa iyo, kaya kong sabihin ang kahit na ano sa iyo, malaya kong naipapakita ang emosyon ko sayo, at kung ano-ano pa. Nakakapanghinayang at nakalulungkot na hindi na katulad ng dati ang ngayon. Nagbago na, nagbago na ang karamihan, kung hindi man ang lahat sa atin.

Sorry kung naging ganito or nagbago man ang pakikitungo ko sa iyo, pero dala lang ito ng paninibago ko rin sa iyo. Hindi na nga talaga tulad ng dati ang mga nangyayari ngayon. Sa katunayan, may mga panahong naiilang na ako sa iyo sa di malamang dahilan. Madalas ay nagdadalawang-isip akong kausapin ka tungkol sa ibang mga bagay na dati'y walang pag-aalinlangan ko namang nasasabi sa iyo. Noon, kahit anong oras o panahon man yan, kukulitin kita kung gusto ko. Pero ngayon, hindi ko na magawa iyon dahil para bang napakalamig na rin ng pakikitungo mo sa akin kaya nahihiya na akong kulitin ka o kausapin ka.

Dati, walang araw ang lilipas na hindi tayo nag-uusap. Mapa-YM man yan, text o kung ano pa mang uri ng kominikasyon, hindi nawawala ang kahit alin man doon. Pero ngayon, wala na. Minsan hindi na nakakapanibago kung isang linggo na ang lumipas na hindi tayo nag-uusap kasi ganun na ang nangyayari madalas.

Namimiss ko ang lahat ng mga ginagawa natin noon ng magkasama, ang walang humpay na kwentuhan, tawanan, kulitan at mga kalokohan. Namimiss kitang kasama, huwag na nating pahabain pa. Namimiss kita. Yun lang.

Ngayon may maliliit lang ako na hakbang na ginagawa upang unti-unti kong maibalik ang dati, kaya lang minsan sumasagi na lang sa isip ko na para bang wala nang nangyayari kahit na anong gawin ko. Ayoko itong mga naiisip ko ngayon pero hindi ko talaga maiwasang maisip ang ganitong mga bagay. Pero kahit na, hindi pa rin ako susuko. Hindi ko man maibalik ang dati eh gusto kong mabago muli ang kasalukuyang kalagayan natin ngayon. Ayoko ng ganito, ayoko. Nasasaktan kasi ako.

Hindi man ako nagpaparamdam madalas sayo dahil sa pagka-ilang o hiya ko sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na makwento at sinasabi ang halos lahat sa iyo, hindi man ako tulad ng dati na laging nariyan sa tabi mo, nais ko pa ring sabihin sa iyo na nandito lang naman talaga ako, hindi lang halata.

Kung kakailanganin mo ng isang tao na makakausap, makakakulitan, masasabihan ng kahit na ano, subalit wala ang mga taong kadalasang kasama mo o kakwentuhan mo araw-araw, tandaan mo, sa likod nilang lahat, naroon lang ako. Kung wala sila, o kung may isa man sa kanila ang umalis sa kanilang pwesto, sa butas na iiwan nila ay masisilip mo ako. Naroon lang ako sa likuran nilang lahat, tahimik na naghihintay. Kapag may isang nawala sa pwesto o kinalalagyan niya, huwag kang mag-alala, susubukan kong punan iyong butas na iiwan niya.

Nandito lang talaga ako, hindi lang halata. Nasa likuran lang ako ng isang malaking pader na nakapaligid sa iyo. Isa akong bloke ng hollow block na nakasagana sa isang tabi na maaari mong ipalit sa oras na may magibang parte ng pader na nakapaligid sa iyo.

Sa ngayon na matibay pa ang iyong pader, hindi mo muna ako kakailanganin. Doon muna ako sa isang tabi mamamalagi. Okay lang sa akin iyon, matiyaga akong maghihintay sa likod ng pader mo. Masaya ako na masaya ka. Basta, huwag mo sanang kalimutan na sa likod ng napakalaking pader na nakapalibot sa iyo ay isang labis o ekstra na hollow block na magagamit mo sa oras na kailanganin mo. :)




Monday, January 18, 2010

Ang Hirap

Akala ko hindi na ako maaapektuhan sa lahat ng aking nalaman, pero nagkamali ako.

Marahil ay tama nga ang aking mga kaibigan sa pagsasabi sa akin na, in denial lang talaga ako nitong mga nakaraang buwan sa tuwing sinasabi kong "over na ako". Akala ko nakarating na ako sa huling stage, ang acceptance stage, pero hindi pa pala. Napakalayo ko pa pala roon, nasa kabilang dulo pa ako.

Ang hirap. Parang noon ay wala na akong halos pakialam sa bagay na ito, pero ngayon eh nagbalik na lang ang lahat at hindi na ako mapakali. Nakakainis.

Pero at least ngayon, alam ko na ang katotohanan. Napunan na ng sagot ang napakarami kong tanong noon. Wala nang duda, alam na, alam ko na ang lahat.

Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay makarating sa pinakahuling stage, ang pagtanggap. Nako, apat na stage pa ang kailangan kong lampasan. Pero kakayanin, kakayanin kahit gaano pa man kahirap.

Sunday, January 17, 2010

Pareho lang pala tayo eh!

Akalain mo yun!

Pareho lang pala tayo ng nararamdaman eh.

Pareho lang pala tayong nagtatago ng nararamdaman.

Pareho tayong nanghihinayang sa isang magandang pagkakaibigan.

Pareho tayong halos mamatay sa bawat araw na lumilipas..

Pareho tayong kinakabahan kapag kasama siya..

Pareho tayong nahihirapan..

Pareho tayong nagmamahal..

Pareho tayong patagong nagmamahal ng isang matalik na kaibigan..

Pareho nating mahal ang ating best friend.

Teka nga, best friends nga pala tayo!

Yun naman pala eh.

Wala na palang problema dahil alam na!

Ay teka, nalimutan ko,,,

May iba ka pa nga palang best friend at may iba rin ako.

Linawin natin.

Ako kasi, ikaw yung tinutukoy kong best friend na iyon.

Eh ikaw, sinong tinutukoy mo?

Ah, siya pala.. siya pala yun, hindi ako.

Pasensiya na, akala ko ako eh.

Akala ko pareho lang pala tayo,

Pero hindi pala.

Sayang.

Sa best friend na parte pa nagkaiba.

Saturday, January 9, 2010

Ginawa kang Malakas ka, kaya maging Malakas ka.

"Malakas ka. Ginawa kang malakas ng Diyos. Nakikita ko sa'yo na malakas ka, kaya patunayan mo iyon. Hindi pwedeng susubukan mo lang maging malakas. Sabihin mong kaya mong maging malakas. Maging malakas ka di lamang para sa iyong sarili kundi para na rin sa lahat ng naaapektuhan ng problema niyo, dahil saan pa ba sila kukuha ng lakas kung pati ikaw ay suko na. Maging malakas ka hindi lamang sa labas kundi lalong-lalo na sa loob dahil iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi ka dapat umiyak. Paglabas mo sa silid na ito, wala na dapat luhang umaaligid sa iyong mata, sa halip ay kalakasan ng loob ang iyong ipakita."

Yan ang mga katagang iniwan sa akin ng paring nakausap ko kanina noong ako ay nangumpisal.

Matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na malakas ako. Sa tingin ko ay naipapakita ko naman sa karamihan ng mga tao na malakas nga ako, kahit na sa loob-looban ko ay puno ng kahinaan, takot at pangamba. Nagagawa kong ipakita sa lahat na maayos ang lahat kahit na sa katunayan ay kabaliktaran ng lahat ang nangyayari. Kaya kong ipamukha na masaya ako kahit na sa katunayan ay halos mamatay na ako sa loob-loob sa labis na bigat ng aking loob.

Malakas ako, kaya lamanag ay may mga panahong mas nangigibabaw ang kahinaan ng loob ko. At kapag iyon ang nangibabaw, wala na akong ibang magagawa kundi lumuha na lamang.

Bago ako lumabas sa makipot na silid na iyon, pinilit ako ng paring nakausap ko na sabihin kong "Magiging malakas ako." Ayaw niyang sabihin kong "Susubukan ko", ang gusto niya ay "Magiging". Parang noong nakaraang bagong taon lamang ay mayroon akong iblinog na tungkol sa dalawang salitang ito.

Kung yun nga lang ang tanging paraan, sige, magiging malakas ako. Magiging malakas ako di lamang para sa aking sarili kundi para sa aming lahat na apektado sa mga pangyayari. Hindi ko na pangingibabawin ang emosyon ko. Magiging matapang ako.

Magiging malakas ako, sapagkat ginawa akong malakas, at kailangan kong patunayan iyon.

Tuesday, January 5, 2010

Tinig na Nakaririndi

Sawa na ako.

Sawa na akong marinig ang lahat ng iyon ng paulit-ulit. Takpan ko man ang aking mga taenga ay parang wala nang talab ito.

Ayoko na, naririndi na ako sa mga tinig na iyon.

Simula kabataan ko, iyan na ang kinagisnan ko. Ang mga tinig na iyan. Walang tigil na naghihiyawan, nagsasagutan, nagpapataasan, kung hindi man araw-araw ay oras-oras, basta parehong nasa isang lugar ang may-ari ng mga tinig na iyon. Walang tigil, walang preno, magdamag na ganoon.

Nakaririndi na talaga sa taenga.

Mabuti sana kung hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi ng mga tinig na iyon. Mabuti sana kung hindi ako naaapektuhan sa mga tinig na iyon. Mabuti sana kung walang taong nadadamay sa mga usapan ng dalawang tinig na iyon.

"Magkaayos naman sana kayo, o dalawang tinig n'aking naririnig.
Musika ang inyong ihatid, magaganda't masasayang himig.
Mga tao sa paligid niyo'y labis-labis nang natatakot,
Sa hindi magandang kahahantungan na maaaring idulot."


Saturday, January 2, 2010

Patawad

Patawad.

Patawad kung naging ganito ako ngayon.

Patawad kung binigo kita o kayo. Hindi ko ninais maging ganito. Alam kong napakalaki ng ipinagbago ko nitong mga nakaraang buwan, pero hindi ko lang talaga makayanan ang lahat ng mga pangyayari. Naging ganito ako sapagkat hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, kung paano ko aayusin ang mga bagay-bagay. Naging ganito ako dahil sa unti-unting pagkamuhi ko sa bawat araw ng aking buhay, sa pagkamuhi sa mga nangyayari at mga mangyayari pa.

Patawad.

Patawad kung ito ang naging paraan upang mabawasan ko ang mga sakit at hirap na nararamdaman ko. Patawad kung ito ang naging paraan ko para mapadali ang pagtanggap ko sa lahat. Patawad dahil naging makasarili akong labis, dahil sarili ko lamang ang aking inintindi at nawalan ako ng pakialam sa iyo at pati na rin sa iba.

Patawad.

Patawad kung isa ka sa mga labis na naaapektuhan sa pagiging ganito ko ngayon. Alam kong nahihirapan ka; sa katotohanan ay ikaw ang pinakanahihirapan sa ating lahat, wala akong magawa. Wala na nga akong magawa ay hindi ko pa kaagad napansin na isa ako sa nagiging dahilan ng lalong paghihirap ng loob mo.

Patawad.

Patawad kung nagiging katulad ko siya. Aminado akong nagiging katulad ko siya, at hindi ko gusto ito. Alam mo kung gaano ko sinusubukang huwag maging katulad niya, pero hindi ko rin napansin kaagad na unti-unti na pala akong nagiging tulad niya, na nagbibigay lang ng sakit sa iyo. Hindi ko talaga ito gusto, ayoko maging ganito habang buhay.

Patawad.

Patawad dahil mas lalo lang akong naging pabigat sa iyo. Patawad dahil hindi na kita nabigyan ng panahon. Patawad dahil hindi ko na nagawang iparamdam sa iyo kung gaano kita kamahal dahil madalas ay mas nangingibabaw ang galit at poot sa aking puso na dala ng lahat ng mga pangyayari sa atin.

At higit sa lahat,

PATAWAD

Patawad dahil hindi ko masabi ang lahat ng ito sa iyo ng harap-harapan. Patawad sa pagiging isang napakalaki kong duwag at ang aking kawalan ng lakas ng loob. Patawad dahil mas nangingibabaw ang takot sa akin kaysa ang tapang ngayon. Patawad kung manatili man ang lahat ng ito rito, at kung hindi man ito makarating sa iyo.

Patawad, patawad...

Patawad sa lahat...

Friday, January 1, 2010

Bagong Taon, Susubukan Ko

Kakabit ng pagsapit ng bagong taon ang mga sinasabi ng mga tao na bagong buhay at bagong simula. Sino mang tao, maririnig mong sinasabi yang mga linyang iyan. "Magiging ___ na ako", "Hindi na ako...", "Sisimulang ko nang....", "Mag-___ na...." at kung ano ano pang bersyon na gusto nila. Hindi iyan nawawala sa tuwing sasapit ang bagong taon. Pero ako? Madalas ay hindi ko na ginagawa iyan, o kung minsan may ginagawa ko pero hindi ko na sineseryoso. Madalas joke joke na lang ang mga ginagawang kong resolusyon para sa akin.

Hindi ko naman kasi nagagampanan o napapatunayan na kaya ko ang lahat ng mga sinabi kong iyon sa bandang huli. Walang natutupad o nagagawa. Minsan makikita mong meron sa simula pero habang tumatagal ay unti-unti ring nawawala.

Kapag gumagawa ako resolusyon, sinisimulan ko ito sa salitang "Susubukan". Susubukan lang naman eh, walang masama o di ka masasaktan sa huli kung di ka magtagumpay sa bagay o kung ano mang iyong sinubukan. Iba iyon sa pagsasabi ng "Magiging" o "Hindi na" sapagkat kapag iyan ang ginamit mo at hindi mo iyon napatunayan sa bandang huli, eh para mo na ring niloko ang sarili mo.

May nais akong subukan ngayong taon na ito. Kakaunti lang naman iyon at napakageneral din sa totoo lang.

Susubukan kong ayusin ang buhay ko ngayong taon.

Yan pa lang, sakop na niya lahat ng nais kon mangyari ngayong taon. Nais ko lang sana maayos ang lahat. Susubukan kong ayusin ang lahat sa abot ng aking makakaya.

Kung magtagumpay ako sa bandang huli, eh di masaya. Kung hindi, patuloy ko na lang susubukan uli hanggang sa magtagumpay siguro ako sa mga hinahangad kong mangyari.

Oo, susubukan kong ayusin ang buhay ko at ang lahat ng umiikot sa paligid nito. Umaasa akong maaayos ko ng unti-unti ang mga bagay-bagay, ang lahat-lahat.